'Ligawan' sa Senado
HALOS tiyak nang magiging House Speaker si QC Rep. Feliciano Belmonte, Jr. pero sa Senado, wala pang kasiguraduhan kung sino ang magiging Senate President.
Ang mga matinding naglalaban sa puwesto ay sina Sen. Manuel Villar at Francis “Kiko” Pangilinan na parehong masugid na “nanliligaw” sa kanilang mga kabaro para makuha ang pinakamimithing posisyon. May nagtutulak pa rin kay dating Senate President Juan Ponce Enrile sa posisyon. Isa na riyan ang kanyang protegee na si Sen. Gringgo Honasan. Ngunit sa tingin ko’y si Enrile mismo ang wala nang interes mamuno sa Senado.
Laging mahirap magdesisyon sa leadership ng Senado dahil sa isyu ng “pagkakaibigan.” Small group kasi eh.
Inamin ni Senator Bong Revilla na nahihirapan siyang magdesisyon. “torn between two lovers” sabi nga ng lumang awitin. Parehong mahigpit umano ang ginagawang panliligaw nina Villar at Pangilinan kay Revilla na sinasabing posibleng maging swing vote.
Kapwa may tig-11 pa lamang ang posibleng boto nina Pangilinan at Villar at kinakailangan ng 13 boto para mahalal na Senate President ang sinuman sa kanila.
Si Revilla ay kabilang sa bloke o grupo ni Senator Edgardo Angara na tinatayang papanig kay Villar. Ngunit ang balita natin, masugid siyang sinusuyo ng kaibigang matalik na si Sen. Jinggoy Estrada para sumuporta kay Kiko.
Kung minsan talaga, parang mahirap pa ang halalan sa isang maliit na grupo kumpara sa pambansang eleksyon dahil magkakakilala ang mga botante. Iisipin ng Senador na magkakaroon siya ng samaan ng loob sa kaibigang nanunuyo sa kanya kapag di pinagbigyan.
Well, ilang araw na lamang at magbubukas na ang unang sesyon kaya umasa na lang tayong maayos na marere- solba ang isyu sa liderato ng Senado bago mag-Lunes.
- Latest
- Trending