Di na mababago kahit mali

ITO ay halimbawa ng isang pinal na hatol na hindi na maaring baguhin. Si Lito ay kinuha ng MTI at ni Vic (chemical distributor mula sa foreign suppliers) bilang technical salesman. Matapos ang anim na taon sa kompanya (July 15, 1997) bigla na lamang tinapos ang kanyang serbisyo. Nagsampa ng illegal dismissal si Lito sa MTI at kay Vic sa NLRC. Noong May 31, 1999, nagbigay ng hatol ang LA (Labor Arbiter) at sinabing illegal ang pagtanggal kay Lito. Inutusan ang MTI at si Vic na ibalik siya sa puwesto o ibang pwestong katumbas nito, bayaran ang back wages at iba pang benepisyo sa halagang P98, 694.35. Ito’y kinumpirma ng Supreme Court. Naging pinal ito noong Aug. 13, 2001 at ibinalik sa LA para ito’y ipatupad.

Noong Aug. 28, 2001 nag-issue ng writ of execution ang LA at inutusan ang NLRC Sheriff na kolektahin ang perang nara­rapat na mapunta kay Lito na nagkakahalagang P296,160.10. Nguni’t naantala ang pagpapatupad ng pinal na hatol dahil nagsampa sina Vic at MTI ng mga alegasyon, mosyon at apelasyon.

Nang magpalabas muli ng alias writ of execution ang LA noong March 11, 2003 at inutusan ang Sheriff na kolektahin ang P251,927.12 para kay Lito, sinamsam ng Sheriff ang mga deposito ni Vic at ng MTI sa banko. Nag-file muli ng motion for reconsideration sina Vic at MTI na kinukwestiyon ang pagsam­sam sa account nila. Sabi ni Vic ang MTI lang ang employer ni Lito at siya’y nominal party lamang. Ngunit hindi iginawad ng LA ang motion for reconsideration noong June 23, 2003 na umabot na naman sa NLRC at CA. Noong July 14, 2005, nag­labas ang CA ng panibagong desisyon na tinatanggihan ang petition ni Vic at ng MTI laban sa patupad ng writ of execution na ginawa ng Sheriff at pagkuha ng lupa ni Vic na may TCT No. 59496. Tinanggihan din ng CA ang motion for reconsi­deration ni Vic noong November 16, 2005.

Muling inakyat ni Vic at ng MTI ang kaso sa SC. Ayon kay Vic hindi maaring kamkamin ang kanyang lupa upang mabayaran ang monetary award kay Lito dahil na rin sa mga na­unang desisyon ng SC na nagsasabing upang panagutin ang presidente o director ng kompanya, at upang tanggalin ang veil of corporate fiction ay kailangang patunayan na may malinaw at kapani-paniwalang bad faith o kamaliang nagawa ito. Tama ba ang MTI at si Vic?

MALI. Kapag ang hatol ay naging pinal at pinatutupad na, hindi na maaring ipagkait sa nanalong panig ang bunga ng kanyang pagkapanalo sa pamamagitan ng mga pakana ng natalong panig. Ang mga pinal na hatol ay hindi maaring baguhin pa kahit na ang pagbabago ay isinagawa upang itama ang maling konklusyon tungkol sa katotohanan o sa batas, maliban na lamang kung ang babaguhan ay clerical error. At dahil ang writ of execution na inisyu ng LA ay tumutugma sa pinal na hatol hindi na maaring baguhin ang order of execution sa pamamagitan ng isang petisyon. Dahil sa pinal na hatol hindi na maikakatwiran ni Vic na ang kanyang lupa ay di dapat nakuha at ibigay kay Lito bilang kabayaran.

Hindi na maaring baguhin sa ano mang paraan, tuwiran o hindi ng mas mataas na korte o kahit pa ng SC, ang hatol sa kasong ito dahil ito ay pinal na (Marmosy Trading Inc. et. al vs. Court of Appeals et. al G.R. 170515, May 6, 2010).

Show comments