Kampanya laban sa child labor
KAMI ng aking anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ay natuwa sa positibong balita hinggil sa panibagong pagbuwelo ng kampanya laban sa sapilitang pagpapatrabaho sa mga bata kung saan ay exposed sila sa pang-aabuso, pagmamaltrato at pagsasamantala. Si Jinggoy, ay matagal nang lumalaban sa ganitong sitwasyon na kinasasadlakan ng mga batang manggagawa.
Iniulat ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na ang Pilipinas at ang International Labor Organization (ILO) ay magpapatupad ng programang inaasahang makababawas nang hanggang 75 porsiyento sa mga insidente ng ganitong uri ng child labor sa bansa. Ang programang “Strengthening National Capacities to Support the Philippine Program Against Child Labor’s Vision of a Child Labor-Free Philippines” na isasagawa katuwang ang ILO-International Program for the Elimination of Child Labor ay may apat na bahagi: Knowledge management, effective partnership, area-based services at sustainability.
Tinukoy sa programa ang Quezon, Masbate, Northern Samar at Bukidnon na mga pangunahing lugar kung saan ay talamak ang child labor. Ang programa ay magiging kaakibat ng iba pang katulad na hakbangin sa ating bansa na ipinatutupad naman ng United Nations Children’s Fund (Unicef) at iba pang mga pandaigdigang organisasyon na may kaparehong kampanya.
Base sa target, pipilitin ng Pilipinas at ng mga kapartner nito sa nasabing adhikain na masugpo hanggang 2016 ang pang-aabuso sa mga bata. Ang programa ay makabuluhang hakbangin sa pagsagip sa mga bata na sapilitang pinagtatrabaho. Ang mga bata ay dapat binibigyan ng pagkakataon na mag-aral, maglaro at mamuhay nang maayos sa piling ng kanilang pamilya. Hindi sila dapat sapilitang pinaghahanapbuhay.
- Latest
- Trending