DITO magkakasubukan kung sino ang matino o kawatang mambabatas. Itutuloy ni P-Noy ang pork barrel ng Kongreso, pero gagawing lantad. Ilalathala sa pahayagan bawat proyektong nabiyayaan. Kung sa kalsada, halimbawa, pati dami ng sako ng semento at kilo ng bakal ay idedetalye. Ito’y para masuri ng auditors, katunggali sa politika, at graft busters kung may overprice ang proyekto. Madali nang mabibisto ang kumi-kickback. Ang sinomang umangal sa panukala ay tiyak na merong pinagtatakpang kabalastugan.
Oras na maipatupad ang planong paglantad ng pork projects, lilinis ang mga ito. Liwanag ang pumapatay sa anay ng korapsiyon. Hindi na maibubulsa ang P200 milyong pork ng bawat senador at P70 milyon kada kongresista, o kabuuang taunang P16.7 bilyon. Dati-rati kumukumisyon sila ng 20-25% sa halaga ng proyekto. May senador pa nga na 55% ang cut: 50% sa kanya at 5% sa chief of staff. Ngayon matatakot nang mag-kickback dahil madaling mabisto. Mawawalan na ng saysay ang pagkandidato at labis na gastos sa halalan para lang masungkit ang pork barrel. Makakalahok na sa halalan ang walang malaking “puhunan.” Makakapasok sa Kongreso ang mga tunay na repormista. Mababago ang ating politika.
Pero huwag sana tumigil si P-Noy sa paglathala ng gastusing pork barrel ng Kongreso. Sana pati sariling pork barrel ng Presidente at mataas na pinuno ng ehekutibo ay ilantad din. Isama na rin ang gastusing walang auditing ng mga heneral ng pulis at militar. Pati na rin ang discretionary funds ng hudikatura.
Panahon nang gastusin ang pera ng bayan para rin sa taumbayan. Panahon nang ipatupad ang campaign slogan ni P-Noy na “kung walang korap, walang mahirap.” Sa mga maruruming lihim ng pork barrel nagmumula ang karalitaan.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com