^

PSN Opinyon

'Brunei baby...'

- Tony Calvento -

DALA NG TINDING pagkalugmok sa kahirapan marami sa ating mga Pilipina ay napipilitang lumihis ng landas papunta sa gawaing malaswa. Mga dating mabuti na napasama.

Si Cynthia Gonzales, 50 taong gulang ay nagpunta sa amin upang ihingi ng tulong ang kanyang anak.

Ang tinutukoy ni Cynthia ay si Jenny Gomba, 29 taong gulang na kasalukuyang nasa Kota Kinabalu, Sabah, Malaysia.  

Isang taon ng hiwalay si Jenny sa asawang si Michael. Babaero umano itong si Michael kaya’t iniwan siya ni Jenny. Dinala niya ang tatlong mga anak.

Sina Cynthia at asawa nitong si Eduardo ang pansa­mantalang tumulong sa mga gastusin ng mga apo. Nagsikap naman si Jenny na makahanap ng trabaho. Pumasok siyang Factory worker sa isang gawaan ng ‘note card’ sa Cubao. Hindi rin nagtagal dito si Jenny dahil nagsara ang kumpanya.

Nag-isip siya ng ibang paraan para kumita ng pera.    

Tumulong naman siya sa pangangampanya kay Senator Mike Defensor na dating tumatakbo bilang Mayor ng Quezon City.

Nang matapos ang eleksyon wala ng napagkuhanan ng kabuhayan itong si Jenny. Hindi malaman ni Jenny kung paano mabubuhay ang tatlong anak kaya naman ng alukin siya ng kaibigang si “Jessica” na pumunta sa Kota Kinabalu agad pumayag ito. Mabilis niyang inayos ang kanyang mga papeles.

Sinabi sa kanya ni Jessica na nagbukas ng isang malaking bar sa Kota Kinabalu. Naghahanap sila ng mga ‘waitresses’ at ‘receptionist’. Malaki umano ang sahod. Tatlong buwan ang kontrata.    

“Mas nagmadali ang anak ko na makapunta sa Kota Kinabalu dahil kailangan niya ng pera para sa anak niya,” sabi ni Cynthia.

Wala pang isang linggo naayos na ang mga papales na kakailanganin ni Jenny. Kumuha siya ng Tourist Visa para sa tatlong buwan niyang pananatili sa Malaysia.

Hindi na pinigilan ni Cynthia ang anak. Hindi na ito ang unang beses na pupunta sa ibang bansa si Jenny ayon na kay Cynthia. Nakapunta na ito sa Singapore at nagtrabaho bilang Guest Relation Officer (GRO) sa mga Bars. Alam ni Cynthia na kaya na ni Jenny ang kanyang sarili.

Ang kinasama lang ng loob ni Cynthia ay ng hindi na nagpahatid sa kanya si Jenny sa airport papunta sa Malaysia nung ika-11 ng Hunyo, 2010.

Sinabihan siya ni Jenny,                 “Nay, huwag mo na ko ihatid! Baka maulit na naman yung mag-iiyak ka sa airport,”.

Dinaanan ni Jessica si Jenny kasama ang dalawa pang kaibigan na pupunta sa Kota Kinabalu. Sabay-sabay silang pumunta sa airport.

Bago sumakay ng eroplano si Jenny nagtext pa ito sa ina, “Nay, ikaw na muna bahala sa mga bata, pasakay na ako...”.

Makalipas ang dalawang araw muling nagtext si Jenny sa ina. Ayon kay Jenny ayos naman daw ang lagay niya sa Kota Kinabalu. Mabait naman ang kanyang mga katrabaho maging ang kanyang ‘manager’.

Araw-araw kung magtext si Jenny kay Cynthia. Kinakamusta niya ang kanyang mga anak. Naikwento rin sa kanya ni Jenny na mula Kota Kinabalu lulusot sila papuntang Brunei. Sinabi ni Jenny na delikado ang kanilang gagawin subalit mas maganda ang magiging kita niya dun kaya’t wala ng nagawa si Cynthia para pigilan ito.

Nagpatuloy ang palitan ng text messages ng mag-ina hangang nung huling linggo ng Hunyo napansin niyang wala na siyang natatanggap na text kay Jenny.

Tinext ni Cynthia ang anak subalit hindi ito nagrereply. Nitong Hunyo 29 bandang 12:00 ng gabi habang natutulog si Cynthia bigla nalang siyang kinatok ng anak na si Raphael sa kwarto.

“Nay, gumising ka! Yung tanod nag-iwan ng papel. Tumawag daw si Ate sa barangay, emergency daw!” paha­yag ni Raphael.

Mabilis na tinignan ni Cynthia ang papel nakasulat dito ang landline number ng nagngangalang “Toto” at “Tony Rose”.

Tinanong ni Cynthia ang tanod na nagdala ng papel. Nalaman niyang tumawag pala ang kanyang anak sa Barangay Kaunlaran at pinapasabi nitong nahuli sila sa Kota Kinabalu. Nagkaroon umano ng raid sa bar at isa siya sa mga nakulong. Hindi naman makatext si Jenny dahil kinumpiska ng mga pulis ang kanilang cellphone. Wala namang landline si Cynthia kaya’t sa barangay siya tumawag.

Tinawagan niya ang numerong iniwan ni Jenny. Hinanap niya si Toto at Tony Rose subalit ‘wrong number’ daw.

Sinubukang tawagan ni Cynthia ang anak, nagbabakasakaling baka may sumagot ng kanyang cellphone subalit ‘out of reach’ na ito.

“Hindi ko alam kung kamusta na si Jenny, Hindi ko alam kung anong nangyari sa anak ko!” pag-aalala ni Cynthia.

Limang araw ng walang contact si Cynthia sa anak. Nag-aalala siya sa lagay ni Jenny kaya naman naisipan niyang lumapit sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo Hustisya Para sa Lahat ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang problema ni Cynthia.

Nung araw rin magsadya sa aming tanggapan si Cynthia nakipag-uganayan kami agad sa Bureau of Immigration and Deportation  (BID) kay Comm. Marcelino Libanan Jr upang malaman ang ‘travel itinerary’ ni Jenny. Napag-alaman namin na umlis siya nung June 11, 2010 mula sa Maynila at ang kanyang destinasyon ay tumpak nga sa Kota Kinabalu.

Nang malaman namin na nasa Malaysia si Jenny nakipag-ugnayan din kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA). Ibinigay sa amin ang impormasyon na ang ating Ambassador sa Malaysia ay si Victor Lecaros.

Ipinaliwanag sa amin ni Usec Seguis na marami ngang Pilipina ang napapadpad sa Kota Kinabalu. Laganap nga ang babaeng nagbebenta ng katawan sa mga clubs (human trafficking) lalo na sa KOTA KINABALU.

Dagdag pa ni Usec Seguis na ang tanging ginagawa ng ating mga kababayan kapag nahuli hindi na nilalaban ang kaso para mapabilis ang desisyon.

Matapos niyan i-dedeport sila pabalik sa Pinas. Ang iba ay bumabalik muli na iba na ang pangalan dala ang passport na galing sa “baklas passport gang”.

Ang talagang gusto nilang destinasyon ay sa Brunei kung saan tiba-tiba ang kita. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 0919897285. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

 * * *

Email address: mailto:[email protected]

ANAK

CYNTHIA

JENNY

KINABALU

KOTA

KOTA KINABALU

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with