Misyon ng gobyerno

Pangunahing misyon ng ating gobyerno—

wastong edukasyon ibigay sa tao;

Matatanda at bata kung taglay na ito

tiyak nang matino lahing Pilipino!

Subalit paanong titino ang lahi

kung ang mga lider ang siyang tiwali;

Nagdaang rehimen kaibang ugali

patagalin pa raw — aral ay bubuti!

Ang anim na taon sa elementarya

ay gawin daw pito upang mapaganda;

Pati sa kolehiyo gusto’y dagdagan pa

nang maraming units ang mga eskuwela!

At ngayong bago na ang mga pinuno

dapat ay kontrahin ang sistemang ito;

Sapat na ang anim — huwag gawing pito

upang ang gastusin ay hindi lumobo!

Saka sa sistema’y dapat pansinin

hirap ng magulang sa dating anim;

Nasa private school sila ay kontrahin.

Lalo ang sa public na walang makain!

At kung sa kolehiyo dagdagan ang units

kung gagawin ito’y daming magagalit;

Saanman daanin mali ang naisip

Sa dagdag na units ay dagdag na budget!

Dating kalakaran sa mga eskuwela

lahat pumapanig na ito’y sapat na;

Ang bureau at teachers ay higpitan sana

wastong edukasyon ang ituro nila!

Saka ang asenso nitong paaralan

ay nasa students kahit nasaan man;

Sa public o private sila ay patas lang;

kung ang hanap nila’y wastong karunungan!

Kaya itong pitak laging nanalig

nasa etudyanteng may puso at isip—

Wastong edukasyon kanyang makakamit

sa sariling sikap siya ang uugit!

           

Show comments