Ang pakikipag-ugnayan, paglilingkod at pagkakaibigan ay mga ugat ng halamanan ng wagas na pag-ibig. Ito ang sinasabi nilang: A peace in the heart of the Christian Community.
Sa paglilingkod ni Abraham sa tatlong lalaking kanilang bisita ni Sara, pinakain nila at pinaglingkuran. Sa kabila ng kanilang kabutihan at matapos makipagniig sa Panginoon ay sinabi ng panauhin: “Babalik ako isang taong sa ganito ring panahon at pagbabalik ko’y may anak na siya”. Ito ang pinagpalang pakikisama nina Abraham at Sara.
Para bang ang mga magagandang buhay sa nakalipas ayon kay Pablo ay “ang hiwagang mahabang panahon na lihim ay inihayag ngayon sa mga banal”. Maging sa buhay nina Lazaro, Marta at Maria mga taga Betania ay isa ring magandang halimbawa ng pagiging magkaibigan. Sa kanilang pagkakaibigan ay ipinagkaloob ni Hesus ang panibagong buhay kay Lazaro, subali’t ang pinaka-mahalagang paghanga sa kanila ay ang lubusang pakikinig na pinili ni Maria sa pangaral ng Panginoon. Ang pakikinig sa Salita ng Diyos ay lalong mabuti kaysa pagiging ligalig at abalang-abala ni Marta sa maraming bagay na pawang materyal na maglalaho. Ang kay Maria ay nagturo sa kanyang kabanalan. Lalung nagpalalim ito sa pagiging magkaibigan nila kay Hesus.
Hindi naman ako si Hesus ay naalaala ko rin noong aking kabataan. Meron akong naging kaklase sa elementarya sa St. Joseph’s Academy sa aming bayan sa Sariaya, Quezon. Kaibigan ko hanggang ngayon at patuloy pa rin ang aming ugnayan. Naging matibay ito lalung-lalo na sa bahaging espiritwal. Para bang
ang pagkakaibigan nina Lazaro, Marta at Maria sa ating Panginoong Hesus ay hindi lamang sa pagpunta ni Hesus upang makikain matapos ang kanyang pangangaral kundi paghahatid ng kaliwanagan sa buhay nila na mas mahalaga ang buhay kabanalan.
Ang sinasabi kong matalik kong kaibigan hanggang ngayon ay si Pareng Aristeo. Ako ang nagkasal sa kanila ni Mareng Bless noong January 6, 1980. Nagkaanak sila ng panganay na lalaki ako ang nagbinyag at ako rin ang ninong, Matapos ang maraming taon ay nag-asawa na rin ang aking inaanak na si Anthony kay Jennifer at ako rin ang nagkasal. Matapos ang dalawang taon nagkaanak na sila at kahapon, Hulyo 17, 2010 ay ako rin ang nagbinyag kay JAN BELLA L. CARLOS doon sa aming simbahan ng San Fransisco de Asis, Sariaya, Quezon.
Gen18:1-10a; Salmo14; Col1:24-28 at Lk10:38-42