Kahulugan na wala nang wangwang

Malalim ang kahulugan ng salita ni President Noynoy Aquino na wala nang wangwang at counter flow sa ilalim ng kanyang pamumuno. Sa tingin ko, hindi lang ang pag-aabuso sa kalye ng mga nasa poder ang ibig niyang sabihin. Lumalabas na ang ibig niyang sabihin ay ang lahat ng pag-aabuso sa poder ng mga taong gobyerno, kasama na riyan ang pagnanakaw at pangungurakot.

Bago pa lang sa puwesto si Noynoy, ramdam na kaagad ng mga tao ang malaking pagkakaiba sa pamumuno niya sa pamumuno naman ni Mrs. Gloria Arroyo. Kapansin-pansin na sa pamumuno ni Mrs. Arro­yo, halos wala na siyang inatupag kundi ang kanyang sariling kapakanan at ang kapakanan ng kanyang mga kaalyado, habang si Noynoy naman ay kaagad agad inatupag ang kapakanan ng bayan at ng mga mamamayan.

May kaugnayan ang sinabi ni Noynoy na wala nang wangwang, at ang mga mamamayan ang kanyang boss. Sa panahon ni Mrs. Arroyo, siya at ang kanyang mga taong gobyerno ang boss kaya wala silang pakialam kung ano ang mangyayari sa mga mamamayan, kahit sila ay maabuso, maghirap at magutom.

Maganda ang naging simula ni Noynoy, at sana ay tuluy-tuloy na ang kanyang pagsagawa ng magagan- dang pagkilos para sa kabutihan ng mga mamamayan. May nagawa na siya kaya lang marami pa siyang dapat gawin, kabilang na diyan ang kapakanan ng mga workers dito sa atin, at sa mga overseas Filipino workers.

Samantala, malaking suspense pa kung ano ang gagawin ni Noynoy upang panagutin si Mrs. Arroyo sa kanyang mga kasalanan. Mabuti naman at nagtayo na siya ng Truth Commission. Sana sa pagtayo nito, masimulan na rin ang paghahanap ng katotohanan, at maparusahan na rin ang may mga kasalanan sa bayan.

Show comments