NAGKAROON na ng katahimikan sa Manila Police District (MPD) matapos bumalik si Chief Supt. Rodolfo Magtibay. Pero may ilang opisyales ng Manila’s Finest Brotherhood Association (MFBA) na gusto pa ring igiit ang kanilang napupusuan. Noong nakaraang linggo, hilong talilong ang mga pulis dahil hindi nila malaman kung sino talaga ang mamumuno sa kanila.At habang magulo pa ang tabakuhan sa MPD sinamantala naman ng mga kriminal at gambling lord ang panghaharibas sa lungsod ni Mayor Lim.
Ayon sa aking espiya, kinopo ni Erlan Samson (anak ng dating Masagana jueteng financer Milo Samson) ang lahat ng pasugal katulad ng loteng, ending, Ball Alia, AZ2, jueteng at horse racing sa tulong umano ni Jay dela Fuente. Ito kasing si Jay dela Fuente mga suki, ang naatasan ni Mayor Lim para sumagupa at lumansag sa lahat ng uri ng sugal sa Maynila nang maiwasan ang paglutang ng ilang tiwaling kapulisan na pasok sa sindikato. Sa unang sigwada maraming video karera, fruit game machines at ibang uri ng pasugal ang sinunog sa likod ng Bonifacio Shrine. Pumalakpak ang Manileños sa ipinakitang gilas ni Dela Fuente at Mayor Lim.
Subalit matapos iyon, nagulantang ang Manilenos nang muling bumalik ang mga pasugal. Lalo pang lumawak. Kulang sa pangil ang kautusan ni Mayor Lim kay Dela Fuente kaya nagsibalikan. Totoo kayang pakitang gilas lamang ito ng mga taga-city hall upang pataasan ang tara sa mga gambling lord? Kung sabagay kung talagang seryoso si Mayor Lim at Dela Fuente na matigil ang mga sugal sa lungsod, ikumpas ang kanilang kamay na bakal sa MPD. Upang mawala ang hinala ng Manileños na may basbas ito sa ilang matataas na opisyales sa City Hall marapat lamang na habulin at hulihin nila sina Erlan Samson, Tom Secueza, Apeng Sy at iharap sa publiko. Itong si Erlan Samson ay may pa-jueteng sa Sampaloc at Sta Cruz at may puwestong horse racing bookies na umaabot sa 800 matapos agawin ang may 200 puwesto ni Apeng Sy. Si Tom Secueza naman ay may 500 puwesto samantalang si Apeng Sy ay uugud-ugod sa 50 puwesto na lamang. Kalat pa rin umano ang mga video karera machine ni Randy Sy sa lahat ng sulok ng Maynila na ang nagmamantine ay mga pulis.
May katutuhanan ang sumbong sa akin dahil noong nakaraang buwan lamang, may nagbarilang pulis sa Tondo dahil sa video karera. Sa Pritil,Tondo, namumulaklak na rin ang video at fruit games machine kaya dumami ang adik at mga kabataang napapabayaan ang pag-aaral dahil lulong sa paglalaro.
Ngayong permanente na si Magtibay sa kanyang puwesto tiyak na malaki ang maitutulong niya kay Mayor Lim sa paglansag sa mga pasugalan at video mahines. Iyan ang aking tututukan mga suki. Kilala ko si Magtibay, mapanganib siya pagdating sa illegal vices. Abangan!