AKALA nung una’y akda ito ng makatang Colombian na Gabriel Garcia Marquez, pero hindi pala. Gayunpaman kumalat sa buong mundo dahil sa kurot sa puso, mula sa isang di kilalang may terminal cancer:
“Kung, miski sakit, malingat ang Diyos at biyayaan ako ng konti pang buhay, lulubusin ko ito sa abot ng aking kakayanin. Malamang hindi ko masabi lahat ng nilalaman ng aking isip, pero pakaiisipin kong mabuti lahat ng aking sasabihin. Pahahalagahan ko ang mga bagay hindi batay sa presyo kundi sa kahulugan nila. Babawasan ko ang pagtulog, dadagdagan ang pangarap. Pagkat bawat minuto ng pagtulog naaaksaya ang 60 saglit ng liwanag. Lalakad ako habang tigil ang iba. Gigising habang tulog sila.
“Kung bigyan ako ng Diyos ng dagdag pang buhay, mananamit ako nang simple. Haharap ako sa araw, hubo’t hubad di lang katawan kundi kaloob-looban. Sa lahat ipababatid kong maling isipin na humihinto kang umibig kapag matanda na, pagkat sa totoo’y tumatanda ka kapag huminto umibig. Babahagian ko ng pakpak bawat bata, pero iiwan silang matutong lumipad. Sa matatanda sasabihin ko na dumarating ang kamatayan hindi sa pag-edad kundi sa pagkalimot.
“Natuto ako sa inyong lahat. Natutunan kong lahat ay nais tumira sa tuktok ng bundok, ngunit ang tunay na ligaya pala’y nasa pag-akyat. Natutunan ko na kapag hinawakan ng sanggol ang daliri ng ama, huli na niya siya habang buhay. Natutunan ko na karapatan at tungkulin ng tao na tignang mababa ang kapwa, upang lamang tulungan siyang bumangon mula sa lupa.
“Sabihin ang nararamdaman, hindi ang naiisip. Kung alam ko lang na ito ang huling pagkakataon na makikita kitang natutulog, yayapusin kita nang buong lakas at hihilingin sa Panginoon na gawin akong anghel dela guwardiya mo. Kung alam ko lang na huling beses na kita makikita, sasabihin kong, ‘Mahal kita,’ at ‘hinding hindi kita malilimutan.’
“Para sa iyo, nagmamahal, ang iyong kaibigan....”