MAIIHI sa kanilang lawlaw na karsunsilyo ang mga nasa likod ng pagdodokumento at pagpapakalat ng mga pribado, bastos at malalaswang larawan at video ng kanilang mga biktima.
Ang biktimang tinutukoy ng BITAG ay ‘yung mga nasangkot sa internet blackmail at sex scandal na ang kalimitang suspek ay kanilang mga nakarelasyon.
Batas na ang sinususog na Cyberboso Bill ni Buhay Party List Representative Irwin Tieng.
Ngayon, ito ay Republic Act 9995 o Anti-photo and Video Voyeurism na nilagdaan nitong Pebrero 2010 ng dating President Gloria Arroyo.
Ayon kay Cong. Tieng, tatlo hanggang pitong taong pagkakakulong at isandaang libo hanggang limang daang libong piso ang nakaambang parusa sa mapapatunayang nagkasala.
Nakakatawang isipin na kung hindi pa isang artista ang nabiktima ng ganitong krimen kung saan idinodo-kumento ng kaniyang ka-relasyon ang kanilang pagtatalik.
Subalit sa di inaasahang pangyayari ay kumalat ito at naging laman ng internet, cellphone at DVD kung saan tinawag nga itong sex scandal.
Saka lamang nagkundamahog ang mga nasa itaas upang mapansin ang Cyber Boso Bill na taong 2008 pa lamang, itinutulak na ang batas na ito dahil sa dami na ng mga nabibiktima.
Ang mga kasong hinawakan ng BITAG noon pang taong 2006, muli naming babalikan.
Uumpisahan namin sa gurong inireklamo sa Tanay Rizal, Abangan ito bukas ng gabi sa BITAG.
Sisimulan na ng Buhay Party List at BITAG ang pagsasampa ng kaso sa mga suspek na may ilang taon ding nagpasasa sa krimeng kanilang ginawa dahil wala namang maisampang kaso sa kanila noon.
Ngayong may batas na, ang R.A. 9955, kwidaw na ang mga may sala.