LABAN o bawi ang namamayani sa Manila Police District matapos bawiin ni Manila mayor Alfredo Lim sa Northern Police District (NPD) si Chief Supt. Rodolfo Magtibay. Si Magtibay ay naitalaga sa NPD noong nakaraang Huwebes at hindi man lang uminit ang puwit, agad nang pinabalik sa MPD. Kaya masuwerte si Senior Supt. Edgardo Ladao na hahalili sa puwestong iniwan ni Magtibay. Si Ladao ay dating Deputy Director for Administration lamang ni Magtibay na una ngang lumisan sa bakuran ng MPD para kunin ang puwesto sa pagka-deputy chief ng Firearms and Explosive Division sa Camp Crame. Mabuti na lamang at binawi ni Lim si Magtibay dahil kung hindi tiyak na hindi makapupuwesto si Ladao sa bakuran ng NPD. Dahil ito sa pagharang ng mga inggitirong opisyales sa Camp Crame at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa manok ni Lim na si Senior Supt. Alejandro Gutierrez. Kung sabagay tama lamang na bawiin ni Lim si Magtibay sa NPD dahil kapado na niya ang lahat ng sulok ng Maynila at alam na rin niya ang mga bituka ng pulis ng Manila’s Finest. Ayon sa aking espiya, tahasang tinanggihan ni Lim ang lahat ng mga inirekomendang opisyales ng Philippine National Police (PNP) na kapalit sana ni Magtibay. “Kung ayaw nila kay Gutierrez, ayaw ko rin sa kanila” iyan ang paglilinaw ng aking kausap sa MPD.
Paano nga naman dugo at pawis ang ipinuhunan ni Lim noong pulis pa siya at ngayon sa kanyang ikalawang beses na pagbabalik bilang mayor ng Maynila ay pababa-yaan na lamang niya sa mga intrigero ang paglagay ng kung sinong opisyal na mangangasiwa sa kanyang kaharian. Tiyak na magugulo lamang ang tabakuhan este pamamalakad. Sa ngayon, balik trabaho na si Magtibay at itinaas naman sa puwesto si Senior Supt. Gutierrez bilang Deputy Director for Administration. Ika nga’y isang hakbang na lang sa pagka-hepe ng MPD. Saan pa ba iiwan ni Magtibay ang MPD, di ba walang duda na kay Gutierrez nga oras na magretiro ito sa serbisyo? Kaya’t ng aking makausap itong si Gutierrez sa lobby ng MPD Headquarters ay tahasang sinabi nito na susundin niya ang kautusan ng mas nakatataas sa kanya upang hindi na magulo ang isipan ng mga kapulisan sa MPD. Tama ka diyan sir, bakit mo naman pagpipilitan ang iyong sarili kung makasisira lamang ito sa Transformation ng PNP. Kayat saludo ako sa iyong prinsipyo at malawak na pag-uunawa Col. Gutierrez. Total maganda naman ang inyong tandem nina Magtibay at Posadas na hinangaan ng mga taga-Manila’s Finest. Di ba malaki na rin ang ipinagbago nito? At sa muling pagbabalik ni Magtibay at pag-angat ni Gutierrez sa MPD tiyak na makasisiguro ang mga Manileños na nasa tamang kamay sila.