PARANG nakasusuya nang paksa ang “pork barrel.” Ngunit dapat pag-usapan dahil pera ng bayan iyan. Salaping galing sa ating ibinabayad na buwis na ipinagkakatiwala sa mga mambabatas para gamitin sa mga proyektong tayo ang dapat makinabang.
Kaso, sa napakahabang panahon, ito’y nagiging ugat ng katiwalian. Karapatan ng taumbayan na maunawaan ito dahil ang pondo ay kailangang mauwi sa mga serbisyong pakikinabangan natin. Hindi sa bulsa ng mga opisyal na pinagkatiwalaang mamahala lamang sa pondo. Para kay Presidente P-Noy, wala siyang tutol sa pork barrel basta’t nagagamit sa wastong paraan. Wika nga, for the benefit of the Filipino people.
Ang mga Kongresista ay may mga distritong nasasakupan at ang “pork barrel” ay hindi naman isang-bulto ng salapi na nasa kamay nila. Kung ang alokasyon ng mambabatas ay P100 milyon, may poder lang siya na magpatupad ng mga proyekto sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan na tutustusan ng pork barrel. Pero ang budget department pa rin ang mag-aaproba sa release ng pera. Kaya nga kung minsan, puwedeng gamitin ito ng Pangulo para puwersahin ang mga mambabatas na sumuporta sa kanyang mga ini-endorsong panukalang batas. Madalas din, iniipit ang pork allocation ng mga Kongresistang kumakalaban sa Pangulo. Sana’y hindi naman ganyan si P-Noy.
Gusto ni P-Noy na i-publish ng mga mambabatas ang detalyadong report sa paggamit ng pork barrel. Ultimo kaliit-liitang material na ginamit ay dapat ilahad sa publiko at kung ano’ng mga pribadong kompanya ang kalahok. Kasi, may ilang mam-babatas na ang pamilya o kamag-anak ay nasa mga negosyong puwedeng i-tap sa kanilang proyekto.
Harinawang hindi ma-ging flash-in-the-pan o ni-ngas cogon ang hakbang ni P-Noy na ipatutupad lamang sa panahon ng kanyang pagpapakitang gilas.
Ibig kong sabihin, ang gilas sana ng ating Pangulo ay manatili hanggang sa katapusan ng kanyang termino.