NAPIGILAN ang pag-upo ni SSupt. Alejandro Guttierez sa Manila Police District. Masasabi kong nagwagi ang mga inggitero sa Camp Crame at NCRPO dahil wala sa bansa si Manila mayor Alfredo Lim. Ayon sa aking kausap, plantsado na ang lahat kapag dumating ngayon si Lim. Wala nang dapat alalahanin si Guttierez na maaagaw sa kanya ang tronong ipinangako sa kanya. At habang pinaplantsa ni Lim sa pamunuan ng Philippine National Police at President Noynoy Aquino, “stay foot” muna bilang Chief of Staff si Guttierez. Kaya ang lahat ng kalakaran sa ngayon ay si SSupt. Fidel Posadas muna ang babalikat. Subsob sa trabaho si Pasadas dahil tatlo ang kanyang butas este tatlo ang kanyang posisyong babalikatin kabilang na rito ang pagiging Officer-in-Charge ng MPD na binakante ni Gen. Rodolfo Magtibay, Deputy Director for Administration na binakante ni SSupt. Egdardo Ladao at Deputy for Operation na dati niyang puwesto.
Kaya huwag mag-aalala ang mga Manileños sa seguridad dahil kayang-kaya lahat iyan gampanan ni Posadas. Iyan ang pagtitiyak ni Posadas nang aking makausap noong Sabado. Ibinida pa ni Posadas ang bagong anyo ng MPD sa akin, dahil ayon sa kanya mula nang makapasok siya sa MPD, pagbabago agad ang kanyang nasa isip. Dahil magkaklase sila ni Guttierez, naisakutuparan agad ang kanyang plano. Katulad na lamang nang tarpaulin ng MPD streamer, pagpalit ng lion sa lobby na ngayo’y askal na este tunay na replika ng lion na may silver Badges at paglalagay ng dalawang dancing fountain.
Kaya kung ang tandem umano nila ni Guttierez ang mamamayani sa MPD tiyak na magiging maayos ang lahat. Dahil sa tunay na Manila’s Finest si Guttierez walang duda na siya na ang magiging director sa hinaharap. Kung sabagay tama si Posadas na katigan ang kanyang kaklase dahil sino nga ba naman ang ipupuwesto, di ba dapat pulis Maynila rin. Si Mayor Lim magmula patrolman hanggang sa maging hepe ay ibinuhos ang galing sa MPD.
Kaugnay sa naunsyaming turn-over ceremony noong nakaraang Huwebes, nanggagalaiti pala ang isang catering services sa mga inggitero dahil naunsiyami ang kikitain nilang P30,000. Hindi lamang catering ang nagalit dahil maraming kapulisan din siyempre ang natakam na mamantikaan ang kanilang labi sa bonggang handaan. At ang higit sa lahat na pinanabikan ng mga kapulisan ay kung sinu-sinong opisyal ang mabibigyan ng puwesto. Matunog ang usap-usapan na wawalisin ni Guttierez sa MPD ang mga walang “say” na opisyales upang ipuwesto ang kanyang mga katuwang sa trabaho. Abangan!