^

PSN Opinyon

Tapat na hustisya

K KA LANG? - Korina Sanchez -

Laman ng mga balita ngayon ang paglitaw o pagbabalik ng mga nagtagong tao para sa iba’t-ibang dahilan. May umalis dahil ayaw humarap sa Senado, may nagtago dahil kinalaban ang dating administrasyon. Sa madaling salita, may paglalabag sa batas, maging tama o mali ang kanilang paniniwala, kaya nawala. Sumuko na si Capt. Nicanor Faeldon matapos magtago ng higit dalawang taon. Kasama siya sa mga kumuha ng Oakwood Hotel noong 2005. Inaresto, nakatakas, nahuli at nakatakas muli sa kasagsagan ng gulo sa Manila Peninsula noong 2007. Ngayon, sumuko na dahil naniniwala na mabibigay sa kanya ang hustisya sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Ganun din ang paniniwala ng dating kalihim ng agrikultura ni Pangulong Arroyo na si Cito Lorenzo. Kasama niya si Jocjoc Bolante nang umalis ng bansa para takasan ang pagharap sa Senado ukol sa Fertilizer Scam. Tumakas daw sila dahil nalagay sa panganib ang kanilang buhay. Naniniwala ang marami na ang 728 milyong piso na dapat napunta sa pagbili ng abono para sa mga magsasaka ay ginamit sa kampanya ni Arroyo noong 2004. Ngayon, nasa bansa na si Lorenzo at nagpahayag na handa na siyang magsalita ukol sa Fertilizer Scam na matagal nang iniimbistigahan pero wala pang nakakasuhan. May mangyari na kaya sa anomalyang ito ngayong nandito na si Lorenzo? Ano kaya ang ginagawa ni Bolante ngayon? Naka wheelchair na naman kaya at nagtatapon ng tubig habang umiinom? Ay, wala na pala sa kapangyarihan ang mga sumundo sa kanya!

Pero ganito nga ba ang tingin ng lahat sa administrasyon ni Pangulong Aquino? Na madaling kausap, maiintindihan ang mga nagawang kamalian at patatawarin na lang, lalo na kapag may kapalit? Maglalabasan na rin kaya ang mga katulad ni Lintang Bedol, Jimmy Paule at kung sino-sino pang nagtatago mula sa batas? Lilitaw na rin kaya si Sen. Panfilo Lacson? Mga kasangkot sa mga patong-patong na anomalyang bumalot sa administrasyong Arroyo?

Dapat pag-aralan nang mabuti ng administrasyon ang mga nagaganap na pagbabalik at paglitaw ng mga lumabag sa batas. Mahirap naman kung lalabas na magkakalimutan na lang dahil bagong administrasyon naman, at madaling makausap para mapatawad na lang, o kaya’y mabigyan ng pabor na pagtrato. May pangako si P. Noy noong nangampanya, na walang rekonsilyasyon kung walang hustisya. Nagbabantay ngayon ang mga boss niya kung paano aasikasuhin itong mga bagong pangyayari. Alam ng lahat na mabait ang Pangulong Aquino. Likas sa kanya ang imaheng iyan. Pero may hangganan ba ang imaheng iyan, lalo na kung hustisya na ang pinag-uusapan? Hustisya pa rin ang dapat resulta ng lahat na ito. Ang pondasyon ng isang bansa ay nakasalalay sa tapat na hustisya.   

vuukle comment

CITO LORENZO

FERTILIZER SCAM

JIMMY PAULE

JOCJOC BOLANTE

KASAMA

KAYA

LINTANG BEDOL

LORENZO

PANGULONG AQUINO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with