Malaking pangaral sa munting lapis

NILATAG ng taga-gawa ang lapis sa mesa sa pabrika, bago ito isuksok sa kahon na pambenta. “Merong limang bagay na dapat mong malaman,” aniya sa lapis, “bago kita pakawalan sa mundo. Paka-tandaan mo sana ang mga sasabihin ko. Huwag kalimutan, upang maging pinaka-mahusay na lapis na kakayanin mo:

“Una, marami kang malaking magagawa, ngunit ito’y kung lamang magpapasakamay ka ng May-Likha.”

“Ikalawa, makararanas ka ng masakit na pagtatasa paminsan-minsan, dahil kakailanganin mo ito upang tumalas sa gawaing lapis.

“Ikatlo, maitatama mo ang anomang magawang pagkakamali.

“Ikaapat, ang pinaka-mahalagang bahagi mo ay ‘yung nasa loob.

“At ikalima, sa anomang paggamitan sa iyo, dapat mag-iwan ka ng iyong bakas; anoman ang kundisyon, dapat patuloy kang magmarka.”

Naintindihan lahat ng lapis, nangako itong magtatanda, at saka sumuot sa loob ng kahon.

Ngayon ihambing natin sa lapis ang sarili, na pumapalaot sa mundo. Kakayanin natin maging pinaka-mahusay na nilalang, sapagkat:

• Marami tayong maisasakatuparan kung ipasaka-may sa Diyos ang ating buhay, at tumulong sa kapwang nangangailangan ng ating galing.

• Makakatikim tayo ng masakit na pagtatalas paminsan-minsan, sa mga suliranin, upang maging mas epektibong nilalang.

• Kung nanaisin, maiwawasto natin ang mga kasalanan sa kapwa— at dapat lang itong gawin.

• Ang pinaka-mahalaga palaging bahagi natin ay ang niloloob, ang ating pakikitungo sa Diyos, sa kapwa at sa sarili.

• Saan man tayo tumahak, dapat mag-iwan ng ba­kas, at pagbutihan lahat ng gawain.

* * *

Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com

Show comments