MAGANDANG balita para sa Manila’s Finest. Sa araw na ito pormal nang manunungkulan si SSupt. Alejandro Guttierez bilang bagong hepe ng Manila Police District (MPD). Kaya babay na lang kay Director Gen. Rodolfo Magtibay na matatalaga sa Northern Police District (NPD). Si Magtibay ay kabilang sa PMA Class 78 na naapektuhan sa pagiging malapit kay dating President Arroyo. Sa halip italaga sa magandang puwesto ay sa kangkungan naipuwesto.
Hindi ako naniniwala na demosyon ang pagkatalaga kay Magtibay sa NPD dahil magaling itong magpalakad sa kapulisan. Kayo diyan sa NPD magpasalamat kayo at magkakaroon na kayo ng masipag at matalinong hepe. Kaya ko naman ipagmamalaki ito sa inyo dahil subok ko na si Magtibay na madaling umunawa sa problema ngunit disciplinarian sa mga pulis. Mula kasi nang manungkulan si Magtibay sa MPD walang malaking krimen na nangyari. Hindi umaalis sa kanyang opisina si Magtibay para i-monitor ang kanyang mga pulis. Kaya ang mga pulis sa MPD ay kumikilos upang protektahan ang Manileños, araw at gabi.
Kailangan nang bunutin si Magtibay sa puwesto upang ipalit ang mas nakahihigit sa kanya. Itinalaga ngang bagong hepe ng MPD si SSupt. Guttierez, na sanggang dikit ni Mayor Lim. Hindi matatawaran ang kridibilidad ni Guttierez dahil mula nang maging pulis ay sa bakuran na ng MPD nagpaikot-ikot kaya kapado na niya ang lahat sa paligid. At ang higit sa lahat ay kung saan naroroon si Lim naroon rin siya nakabuntot. Kaya ang team work nila ni Lim sa pagbibigay ng siguridad sa mamamayan ay magandang halimba-wa sa lahat ng sulok ng kapuluan.
Maging si Deputy Director for Administration na si SSupt. Edgardo Ladao ay mag-aalsa balutan na rin sa kanyang puwesto upang pamunuan ang Fire Arms Division sa Camp Crame. Ewan kung may katutuhanan itong bulong-bulungan sa MPD na kaya lamang aalis si Ladao dahil nasapawan siya sa lakas ng padrino kay President Aquino. Hindi umubra umano ang lakas ni Ladao kay P-noy kahit na naging matapat itong close-in body guard ng pamilya! Tatalunin ba naman niya si Guttierez na bukod sa sanggang dikit ni Mayor Lim eh tunay na pulis-Maynila nga. Kaya sorry na lang kayong mga intrigero diyan sa National Capital Region Police Office dahil ang umiiral sa ngayon sa hanay ng PNP ay “ Kayo noon, kami naman ngayon” kahit itanong pa ninyo sa inyong mga padrino. Kayong mga katuto ko sa MPD ibigay na lamang ninyo ang inyong buong suporta kay Guttierez upang ipakita sa mga intregiro na kaya ninyong pangalagaan ang inyong teritoryo.