NANG unang mahalal na governor ng Pampanga ang paring Katoliko na si Ed Panlilio, nanindigan siya sa paglansag sa corruption sukdulang mawalan ng delihensya ang ibang nakabababang opisyal. Kaya ang nangyari, hindi na siya ibinoto noong nakalipas na eleksyon. Natalo man siya, nanindigan siya sa tama at matuwid. Ganyan din ang nangyari kay Isabela Governor Grace Padaca sa pangalawang hirit niya sa eleksyon. Talo!
Sa ikalawa ring pagkakataon ay tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa si Bro. Eddie Villanueva at nagtamo ng ikalawang pagkatalo. Sa kabila nito, may silbi ang ginawa niya. Ipinakita niya at ng mga sumuporta sa kanya ang paninindigan sa kabutihan at katuwiran. Hindi ako nanghihinayang na siya ang inihalal ko. I believe it was God’s will for him to run, not necessarily to win kundi maipakita ang isang malakas na adbokasya sa kabutihan.
Naiisip ko lang na hindi kayang ipasara ng bible believing leader ang PAGCOR na isang ahensyang nagpo-promote ng sugal. Hindi rin kayang ipabuwag ang mga dambana at templo na may mga rebultong diyus-diyosan. Kung kukunsintihin niya ito sa isang banda, ito’y taliwas sa pananampalatayang pinanghahawakan niya. At kung maninindigan siya sa pagpapatupad ng Salita ng Dios, tiyak na mapapatalsik siya sa puwesto ng mga nakararaming taong kakaiba ang paniniwala.
May proseso pang gagawin ang Dios para ihanda ang taumbayan sa isang pamahalaang totoong kumikilala sa Kanya at sa Kanyang Salita. Hindi madali ito at posibleng di na natin abutan sa henerasyong ito.
Kung uulit tumakbo si Bro. Eddie o iba pang katulad niya ang puso, susuporta pa rin ako kahit pa sabihin nang iba na walang tsansang manalo ang mga taong “relihiyoso” ang dating. Ngunit dahil may ibang nahalal na Pangulo, naniniwala rin ako na siya ang inihalal ng taumbayan na mamuno sa bansa at dapat nating suportahan para sa ikatatamo ng pambansang pag-unlad.
Maganda ang inihayag na simulain ng administrasyong ito na pagsugpo sa korapsyon kaya sige, simulan natin diyan dahil naniniwala ako na ang kawalan ng kaunlaran ng bansa ay bunga ng pagkamakasarili ng maraming tao.