'Kasambahay Bill', isusulong muli ni Jinggoy

MULING isusulong ng aking anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang kanyang panukalang “Freedom Charter for the Household Workers’’ o mas naging kilala sa tawag na “Kasambahay Bill.”

Itinatakda ng panukalang batas ang pag-angat at pag-professionalize ng pagtatrabaho ng mga kasambahay, gayundin ang pagtitiyak ng maayos na proteksiyon, pa­suweldo at benepisyo para sa kanila. Ang panukala ay isinulong na ni Jinggoy noong 14th Congress at naaprubahan ng Senado noong Nobyembre 5, 2007, pero hindi ito naipasa ng House.

Ayon kay Jinggoy, ngayong 15th Congress ay pipilitin niyang isulong ang panukala upang matiyak ang maka­tarungang pasahod at maayos na pagtrato sa mga kasambahay. Sa panukala, ang mga itinuturing na kasambahay na makikinabang sa nasabing hakbangin ay ang mga maid, cook, houseboy, family driver at yaya, naninilbihan man sa mga amo sa ilalim ng “live-in” o “live-out” basis.

Kabilang din sa probisyon ng panukala ang pagka­karoon ng written employment contract sa pagitan ng mga kasambahay at kanilang employer kung saan ay nakasaad ang kanilang period of employment, buwanang suweldo, annual salary increase, mga tungkulin at res­pon­sibilidad, pati rin ang kanilang working hours at day-off schedules, kanilang living quarter at iba pang mga karapatan ng mga ka­sambahay.

Inoobliga rin ng pa­nukala ang mga employer na i-enroll ang ka­nilang mga kasambahay sa Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (Phil­Health).

Ayon kay Jinggoy, ma­laki ang paniwala na ma­aaprubahan ng kan­yang mga kasamahan sa 15th Congress ang panukalang batas upang ganap na mapakinabangan ng mga kasambahay.

Show comments