Magsasakang Pinoy pinuri sa Norway
“NAHIHIYA ako magsalita sa harap ng maraming tao, lalo sa malalaking tao na katulad ninyo. Para sa isang pobreng magsasaka tulad ko, parang imposible makarating dito dahil napakalayo nito sa Pilipinas. Akala ko hindi ako makakapunta dito dahil wala akong birth certificate.”
’Yan ang pambungad ni Eulogio “Tay Gipo” Sasi Jr., 64-anyos na magsasaka mula North Cotabato, nang magtalumpati sa pagbukas ng Svalvard Global Seed Vault sa Norway nu’ng isang taon. Ang audience? 150 siyentipiko, diplomats, at pinuno ng mundo, kabilang si 2004 Nobel Peace Prize awardee Wangari Maathal ng Kenya at UN Food and Agriculture Organization secretary general Jacques Diouf.
Inimbita si Tay Gipo ng gobyerno ng Norway para ikuwento ang pag-diskubre niya sa binhing palay na tinawag niyang Bardagol — na ngayo’y tinatanim ng maraming magbubukid sa mundo dahil sa yabong ng ani at tibay sa peste’t sakit.
“Miski apat na taon lang ang pormal na pag-e-eskuwela, nakatuklas siya ng napaka-halagang binhi — uri na dapat isama sa seed vault,” ani Norwegian Minister of Agriculture and Food Lard Peder Brekk.
Kuwento ni Tay Gipo, minsang bagsak ani, napansin niya ang isang halaman na hindi nagupo ng tungro virus. Nakipag-agawan pa siya sa kambing na sinubo ang bunga, at ipinunla niya ito sa kasunod na tag-tanim. Umani siya ng 25 kilo mula sa binhi ng iisang halaman.
Ang Bardagol (dekada-60 Tagalog para sa “matibay”) ay bahagi ngayon ng Global Seed Vault, back-up na imbakan ng lahat ng binhi at gamit pangsakahan. Tinatag ng Norway ang seed vault para, sakaling magka-sakuna o giyera na halos gumunaw sa mundo, may buto at teknolohiyang magagamit ang matitirang tao. Nakabaon ito sa loob ng bundok, nababalutan ng makapal na bakal at kongretong bakod.
Pinababalik sana ng Norway si Tay Gipo nu’ng Pebrero 2009. Pero pumanaw na siya nu’ng Enero sa edad 64, (Good New Pilipinas, Pinoy Press)
- Latest
- Trending