Customs bureau paano aayusin?
SUMALI sa Bureau of Customs si Atty. Ramon G. Cuyco nu’ng Enero 2003. Pinayuhan siya ng mga kapwa career civil servants na, sa paglipat mula sa Land Transportation Office, para na rin siya lumundag mula sa kawali papunta sa apoy. Nagpakatatag si Cuyco, bilang Career Executive Service Officer-5 sa gitna ng dumi, demoralisasyon at banta. Ngayon, makalipas ang pitong taon, pinapayuhan niya ang hepe ng BOC tungkol sa sampung kahinaan ng ahensiya:
1. Libingan ng propesyonalismo. Uso sa BOC bumuo ng task forces sa ilalim, o mag-promote, ng mga tauhang pipitsugin pero abusado.
2. Maling target. Malabo ang tax collection quota na ipinapataw ng budget officials, tapos pinatatalsik ang mga sumasablay na BOC officers.
3. Kulang sa kakayanan. Sa ports of entry lang nakatutok ang BOC; nakakaalpas ang smugglers sa free ports, private ports, at sa laot.
4. Butas sa subastahan. Imbis na isubasta agad ang abandonado o kumpiskadong kontrabando, “naaayos” ang mga kaso dahil sa red tape.
5. Malamyang pagtugis. Matumal maghabla ang BOC ng smugglers dahil sa palakasan, suhulan, at kakulangan ng mahuhusay na abogado.
6. Mahinang pagbabantay. Sa ports of entry na nga lang nakatutok ang BOC, nalulusutan pa rin ng smugglers dahil kulang sa sigasig magbantay.
7. Regulatory capture. Napapabayaan ng Customs ang tungkulin na magbuwis at magkumpiska, dahil impluwensiyado ng tiwaling brokers.
8. Umaasa sa mali. Paulit-ulit ang Customs sa mga maling patakaran at direksiyon, sa akalang magbubunga pa ito ng tama. Kabaliwan na ito.
9. Maling pananaw. Interpretasyon sa “trade facilitation” ay maging maluwag sa maraming uri ng cargo, kaya nate-technical smuggling.
10. Hilo sa teknolohiya. Hindi lubos nagagamit ang computer system para pataasin at pabilisin ang koleksiyon at mahuli ang mandaraya.
Makakabuting pakinggan si Atty. Cuyco. Kaila-ngan kasi punuan ng BOC (at BIR) ang P400 bilyong kakulangan sa P1.2-tril-yong 2010 budget.
- Latest
- Trending