Ministeryal
MAAARI bang hindi ibigay ang writ of possession ng isang naisangla na lupang niremata dahil kinukuwestiyon ang validity ng pagsasangla o ng pagremata at pagbenta? Ito ang isyu sa kaso ng magkapatid na sina Tony at Jim.
Sina Tony at Jim ay ang may-ari ng dalawang bahagi ng lupa sa ilalim ng TCT No. 79865 at 79866 sa San Fernando del Monte QC. Sinangla nila ito sa isang banko (PDB) upang makautang ng P25,000,000.00. Nang hindi nila mabayaran ang utang ipinareremata ng PDB sa Notary Public ng nasabing lupa. Nagpaskil ng mga notice of scheduled sale ng mga lupa sa Main Building ng Hall of Justice ng Quezon City at pinublish ito sa diyaryo na may general circulation sa Quezon City sa loob ng tatlong linggo.
Sa itinakdang araw ng pagbebenta lumabas na ang PDB ang pinakamataas na bidder kaya nag-issue ng Certificate of Sale para sa kanya ang Register of Deeds noong May 19, 1999. Dahil hindi natubos ng magkapatid ang lupa sa loob ng isang taon, nag-file ng petition for writ of possession ang PDB sa RTC branch 77.
Samantala, nag-file ng action for annulment ng certificate of sale, promissory note at deed of mortgage sa RTC Branch 221 sina Jim at Tony. Nag-issue ng writ of preliminary injunction ang RTC noong June 14, 2000 upang pigilan ang PDB sa tuluyang pagkuha ng titulo nila at sa paggawa ng anumang disposition na babalewalain ang kanilang mga karapatan bilang may-ari ng lupa.
Ngunit matapos ang iilang insidente na nagmula sa petisyon ng PDB ng writ of possession at matapos ding payagan ang banko na iprisenta ang kanyang evidence ex-parte ay naglabas ng utos noong Jan. 19, 2009 ang RTC Branch 77 na tinatanggihan ang writ of possession dahil sa kakulangan ng pruweba na ang notice of foreclosure ay ipinaskil at dahil din sa iregularidad ng conduct of sale ng notary public na dapat na-file ng Ex-Officio Sheriff ng Exec. Judge at kakulangan ng aprubal ng Certificate ng nasabing Judge.
Kinuwestiyon ng PDB ang utos ng RTC Branch 77. Ayon sa kanila hindi maaaring gamiting dahilan para tanggihan ang writ of possession ang mga katanungang konektado sa validity ng foreclosure nito. Tama ba ang PDB?
TAMA. Dahil hindi natubos nina Tony at Jim ang lupang naremata sa loob ng takdang panahon, nararapat lang na ibigay ng RTC ang hiniling na writ of possession. Hindi na kailangan pang tingnan ng hukom ang validity ng sangla o ang paraan ng pag-remata. Ang mga katanungan tungkol sa validity ng mortgage ay hindi maaaring gamitin bilang dahilan sa hindi pagbibigay ng writ of possession. Ang mga katanungang tulad nito ay dapat idetermina sa ibang kaso. Sa katotohanan nga ay nagsimula na ng aksyon upang ipa-annul ang certificate of sale, promissory note, at deed of mortgage.
Hangga’t hindi pa naa-anull ang foreclosure sale, ang pag-issue ng writ of possession ay ministerial (Planters Development Bank vs. Ng, G.R. 187556, May 5, 2010).
- Latest
- Trending