MARAMI ang nasiyahan sa paghirang ni President Noynoy Aquino kay Rosalinda Baldoz bilang bagong secretary ng Department of Labor and Employment. Ayon mismo kay President Aquino, angkin ni Baldoz ang kapabilidad na gawing “truly responsive to the needs of the working man” ang DoLE.
Kami ng aking panganay na anak na si Senator Jinggoy Ejercito Estrada, na nagsilbing chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ay kabilang sa mga naniniwala sa kakayahan, dedikasyon at kahusayan ni Baldoz sa paggampan ng tungkulin sa ahensiya.
Si Linda ay career executive officer na lubos na nakaaalam at nakauunawa sa sektor ng paggawa at sa mga problema nito, sa lokal na kalagayan man o sa overseas employment. Mahaba ang karanasan niya sa usapin ng labor and employment concerns ng ating mga kababayan. Siya ay dating chairperson ng National Mediation and Conciliation Board (NMCB), nagsilbing pinuno ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at naging undersecretary rin ng DoLE.
Marami ang naniniwalang maisusulong nang sapat ni Secretary Baldoz ang trabaho sa DoLE, partikular ang nakasaad na bisyon (attainment of full, decent and productive employment for every Filipino worker) at misyon (promote gainful employment opportunities, develop human resources, protect workers and promote their welfare and maintain industrial peace) ng naturang kagawaran.
Masosolusyunan niya ang napakaraming problema ng mga manggagawa at ng mismong kabuuan ng sektor ng paggawa tulad ng mababang pasahod at benepisyo, di-pagkakaunawaan ng mga employer at obrero, isyu sa overseas employment, illegal recruitment, human trafficking, contract substitution at pagmamaltrato sa migranteng Pilipinong manggagawa.
Binabati kita, Secretary Baldoz, sa iyong pamumuno sa DoLE at makaaasa ka ng suporta namin ni Jinggoy sa iyong mga makabuluhang programa sa sektor ng paggawa.