'Sorpresa kay Hepe'
HUNYO 21, pasado alas-tres ng hapon, nagulantang ang BITAG sa pagdating ng apat na kababaihan sa aming tanggapan.
Tarantang-taranta at nanginginig ang mga ito. Ang dahilan, hinahabol ng mga ito ang takdang oras umano na ibinigay sa kanila ng mga pulis-Anti Carnapping ng Caloocan Police Station 6.
Taning na sa araw na iyon, kinakailangan nilang maibigay ang P30,000 hanggang alas-kuwatro lamang ng hapon.
Tatlumpung libong piso kapalit ng kalayaan ng kanilang tatlong kamag-anak na nakakulong matapos daw mahulihan ng droga.
Pinasinungalingan ng mga nagrereklamo ang pagkakahuli sa kanilang mga kamag-anak, wala raw record ang mga ito at namimili lamang ng paninda sa Quiapo.
Hunyo 18, alas-4 ng hapon pa raw nang damputin ng mga pulis-Caloocan sa Station 6 ang kanilang mga kamag-anak.
Noong mga oras na iyon ay kalahating oras na lamang ang natitirang oras sa taning ng mga pulis na nanghulidap.
Kaya’t agad itinimbre ng BITAG kay Northern Police District Director C/Supt. Samuel Pagdilao ang kasong hulidap na ito.
Alas-kuwatro eksakto nang marating ng BITAG ang Station 6 sa Caloocan. Una naming sinilip ang mga biktimang nakakulong upang kumpirmahin ang sumbong.
Positibo, takot na takot at umiiyak ang mga biktima nang makita ang BITAG. Dito, personal na nakaharap ng BITAG ang Chief of Police ng Caloocan na si S/Supt. Florendo Quebuyen.
Maging si Col. Quebuyen, nagtaka kung bakit ANCAR ang nagsagawa ng operasyon laban sa droga. Hindi rin daw niya alam na may operasyong isinagawa ang grupong ito.
Kaya naman sa gitna ng kumprontasyon ng BITAG sa mga arresting officers , naibulalas ng hepe ng ANCAR ng Station 6 Caloocan Police, gusto namin kasing sorpresahin si hepe.
Mamayang gabi sa BITAG ang buong detalye. Abangan!
* * *
Sa susunod na labas ng kolum mababasa ang huling bahagi ng kolum ng BITAG hinggil sa mga impormasyon ng Fil-Am Wanted na si Virgilio Teruel.
- Latest
- Trending