BUTI na lang, hindi dumalo sa inauguration rite ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III si dating Presidente at Pampanga Representative Gloria Arroyo. Tiyak na hindi niya masisikmura ang mga salitang binitiwan ng bagong Presidente. Naroroon sina dating Presidente Ramos at Joseph Estrada na mahigpit na nakatunggali ni P-Noy sa nakalipas na eleksyon. Si GMA ay hindi na pumanhik sa entablado. Tuluyan na siyang umalis matapos ihatid si P-Noy sa grandstand mula sa Malacañang tulad ng itinatakda ng protocol.
Sinabi ni P-Noy sa kanyang inaugural address sa Quirino Grandstand na tapos na ang pag-iral ng isang “manhid” na pamahalaan. Isang gobyernong “bulag at bingi”. Hindi manhid si Gloria para hindi masaktan sa ganyang mabigat na pananalita.
Lalu pang masakit ang pahiwatig ni P-Noy na sisibakin niya sa puwesto ang lahat ng mga “midnight appointees” ni Arroyo. Matindi pa niyang pinarunggitan ang nakaraang administrasyon sa mga kasong hindi nabigyan ng hustisya at inatasan ang kanyang Justice Secretary na tiyaking maisisilbi na ang naipagkait na katarungan sa mga usaping ito. Hindi ko lang masiguro kung kasama ang mga kaso ng katiwalian, tulad ng ZTE-Broadband deal na ipinaparatang sa dating Pangulo.
Aniya pa, ang taumbayan ang tunay niyang bossing at hindi siya nahalal sa puwesto para maging hari kundi para magsilbi. Siniguro pa niya na ang kanyang pamahalaan ay magiging malinis at matapat bilang pagtalima sa legacy na iniwan ng kanyang mga magulang na sina yumaong Senador Benigno Aquino at dating Presidente Cory Aquino.
Alam kong di kayo tututol kung sabihin ko na maganda ang laman ng talumpati. Pero sabi nga ng lumang kasabihan “the test of the pudding is in the eating.” Masusubukan natin ang patotoo sa mga deklarasyon ni Pa-ngulong P-noy sa darating na mga araw at habang lahat ng mata ay nakatuon sa kanya, dapat din tayong sumuporta sa ikatutupad ng kanyang mabubuting layunin para sa bansa. Sabi nga niya, tulungan siyang magpasan ng krus sa kanyang kalbaryo.