HINDI ko maintindihan kung bakit kailangang gumastos ang gobyerno ng Pilipinas nang mahigit P230 milyon para sa panunumpa bukas ni Noynoy Aquino. Ipinagawa ang Quirino Grandstand kung saan gaganapin ang oathtaking ni Noynoy. Dito rin daw kakanta at makikipagsayaw ang bagong presidente.
Pagwawaldas ng pera ng bayan ang gagawing ito. Malayung-malayo talaga sa oathtaking ceremony ni US Pres. Barack Obama noong 2008. Walang bonggang street party na nangyari sa US.
Bakit hindi na lang gawing simple ang oathtaking? Hindi na dapat gumastos pa ng daang milyon piso. Maiintindihan ng ating mga kababayan kung bakit ginawang simple ang inauguration ceremony. Ang mga prominente at mga dignitaries na lamang ang imbitahin sa inaugural dinner.
Sa pagkakaalam ko, si Noynoy ay isang simpleng tao at walang kagarbu-garbo. Kaya nasisiguro kong hindi maninibago ang mamamayan kung gawing simple ang inauguration. Nanghihinayang ako sa mga gagastusin. Puwede itong magamit sa iba pang mahahalagang pangangailangan ng bayan at naghihirap na mga mamamayan.