Contract substitution
LUMALALA ang isyu ng contract substitution kung saan ang mga OFW, pagdating sa bansang kanilang pagtatrabahuhan o kahit nasa airport pa lang sa Pilipinas, ay pinapipirma sa bagong “inferior contracts” na nagsasaad ng mas mababang sahod at mas kaunting benepisyo kumpara sa orihinal na kontratang kanilang sinang-ayunan noong inaasikaso pa lang nila ang kanilang overseas deployment.
Base sa mga ulat, napakarami nang nabiktima ng contract substitution laluna sa mga pumupunta sa Middle East. Sa libu-libo umanong OFWs na nagtutungo sa Middle East araw-araw, hindi bababa sa pito sa mga ito ang biktima ng contract substitution.
Sa naturang sistema, sinasamantala at ginigipit ng ilang tiwaling recruiter at employer ang mga OFW na papirmahin sa mga bagong kontrata sa panahong halos hindi na makapagkukuwestiyon at makapagrereklamo ang mga manggagawa, tulad nga ng sa oras na nasa airport na sila at papunta na sa kanilang destination country o kaya ay kapag naroon na sila mismo sa bansang kanilang pagtatrabahuhan.
Sa naturang mga pagkakataon, karamihan sa mga migranteng manggagawa ay napipilitan na lang pumirma sa inferior contracts kaysa naman huwag na silang tumuloy sa overseas work laluna’t malaki na ang kanilang naging gastos at paghihirap sa pag-aaplay.
Ang aking panganay na anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ay galit na galit sa mga nagsasagawa ng contract substitution. Binigyang-diin niya na ang ganitong gawain ay labag sa batas, partikular sa Republic Act 8042 (Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995) kung saan ay nakasaad “illegal recruitment as… including... to substitute or alter to the prejudice of the worker, employment contracts approved and verified by the Department of Labor and Employment from the time of actual signing thereof…”
Ayon kay Jinggoy, ibayo niyang ipupursige ang pagsugpo sa contract substitution upang matiyak ang makatarungan, maayos at nakaayon sa batas na pag-deploy ng OFWs sa iba’t-ibang bansa.
- Latest
- Trending