ANO itong nangyayari sa dalawang ahensiya sa ilalim ng Department of Transportation and Communication? Naghahabol ba sila ng kurakot bago bumaba sa puwesto sa Hunyo 30?
Sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board paspasan mula Pebrero ang pag-aapruba ng ruta ng bus companies. Mahigit 400 bus ng isang kumpanya ang pinahintulutang bumiyahe muli patungong Southern Tagalog. Pending naman ang aplikasyon ng isang cabinet member para sa mahigit 100 bus na bibiyahe sa parehong rehiyon.
Tila ang opisyales ay may pinapaborang aplikante ng prankisa. Dati-rati tuwing Martes at Huwebes nang umaga lang naghi-hearings ng contested applications, o mga prankisa na tinututulan ng ibang bumibiyahe sa ruta. Ngayon halos araw-araw na nagdadaos, at biglaan pa kaya hindi nakakarating ang mga tumututol.
Sa Land Transportation Office naman, inaapura ang pag-award ng kontrata sa paggawa ng drivers’ licenses. Ang mga gagawing lisensiya ay para sa 2011 pa. Pero pilit na tinatapos ng LTO ang bidding sa mga huling araw ng Arroyo administration. Mas malala, tila lutong-makaw ang bidding. Tatlong pruweba ang ibinulong ng insiders:
Una, labis na masikip ang bidding schedule, para hindi makasali ang mga lehitimong supplier. Napaka-detalyado ng specs para sa card printer, papel at tinta. Walang matinong bidder na makakasumite ng financial at technical offer sa loob ng 11 araw lamang mula pag-release ng bid documents hanggang opening ng bids.
Ikalawa, ang specs ng card printer ay angkop sa iisang manufacturer lang sa buong mundo. Halos kinopya ang product brochure nito. Tiyak panalo na ang sinumang bidder na maki-partner sa manufacturer.
Ikatlo, pinipilit tapusin ang bidding miski patapos na ang Arroyo admin. Hindi mahintay ng opisyales na maluklok muna si bagong Presidente Noynoy Aquino bago ibahagi ang kontrata.