EDITORYAL - Lumobo ang krimen dahil sa baril
NOONG hindi pa inaalis ng Philippine National Police (PNP) ang gun ban, bihira ang napaulat na nangyaring krimen sa bansa partikular sa Metro Manila. Walang karumal-dumal na krimen na may kaugnayan sa pamamaril mula Enero 10 hanggang Hunyo 11, 2010. Kaya ang hiling nang nakararami sa PNP ay huwag na itong alisin. Panatilihin na lang ang pagbabawal sa pagdadala ng baril sa labas ng tahanan para masawata ang paglaganap ng krimen at karahasan.
Pero kailangang sumunod sa batas ang PNP at inalis din pagkaraan nang mahigit limang buwang pagbabawal. Hindi na rin naglagay ng mga checkpoint ang PNP hindi katulad noon na halos gabi-gabi ay may nakaabang na mga unipormadong pulis sa kalye at isa-isang sinisilip ang mga nasa sasakyan. Walang makalusot na kriminal. Maraming nasakoteng may dalang baril na nang hanapan ng identification ay mga alipores pala ng mga pulitiko.
At nakita ang epekto ng pag-alis sa gun ban makaraan ang ilang araw. Nagkasunud-sunod na ang mga patayan at ang mga naging biktima ay mga miyembro ng media. Noong Hunyo 14, binaril at napatay si Desiderio Camangyan. Noong Hunyo 15, binaril at napatay din si Joselito Agustin at noong Hunyo 19, binaril at napatay si Nestor Bedolido.
Noong Hunyo 22, isang human rights lawyer at campaign manager ng Liberal Party ang pinagbabaril habang pasakay ng kanyang kotse sa Solano, Nueva Vizcaya. Ang biktima ay nakilalang si Ernesto Salunat.
Noong Hunyo 23, isang mensahero ng pawnshop sa Ermita, Manila ang binaril at napatay nang tumangging ibigay ang pera sa mga holdaper. Binaril ang mensahero at natangay ang malaking pera.
Mistulang pinakawalang mga asong-ulol ang mga masasamang loob at walang patlang na naghahasik ng lagim. Nasa panganib ang mamamayan kapag hindi naging maigting ang pagbabantay ng mga pulis sa taumbayan. Nang inalis sana ang pagbabawal sa pagdadala ng baril ay naging masigasig naman sana ang PNP sa pagpapatrulya. Dapat masiguro ang kaligtasan ng mamamayan. Pigilan ang paglobo ng krimen dahil sa baril.
- Latest
- Trending