(Unang bahagi)
‘MAGYABANG ka kung may taglay kang sariling galing.”
Madalas tayong makarinig ng mga taong nagmamayabang dahil “bata sila ng mga kilalang pulitiko.” Nakatungtong lang sa kalabaw sobrang bagyo na ang dating.
Si Rosario de Guzman, 44 na taong gulang ay nagpunta sa amin upang idulog ang pakikipagbakbakan niya sa kapitbahay na si Florencio Baranachea.
Dalawang taon ng naninirahan ang pamilya de Guzman sa tatlong palapag na paupahang mga kwarto sa Brgy. Manresa, Quezon City. Napilitang lumipat sila Rosario o “Beng” dito ng madistino ang kanyang asawang si Arnel, isang ‘volunteer tanod’ sa katabing barangay, sa Brgy. Shena.
Naging magaan at tahimik ang unang taon nila Beng sa apartment. Naging palakaibigan si Beng sa mga kapitbahay. Hangang maging matalik niyang kaibigan ang taga-third floor na si Florencio mas kilala sa tawag na “Abat”, jeepney drayber.
Madalas magbigay ng ulam at mag-abot ng tinapay si Abat sa mga anak ni Beng. Mabait umano itong si Abat ang naging problema lang ay maboka ito at ubod umano ng yabang.
Pagmamalaki ni Abat kay Beng. Dati umano siyang gwardiya ni Chavit Singson at bata siya ni Ping Lacson.
“Marami na kong napatay! Milyones ang pera ko sa banko at marami akong lupain sa Ilocos,” madalas na litanya umano ni Abat kay Beng.
Hindi maiwasang barahin ni Beng ang kahanginan nitong si Abat kaya’t kung minsa’y nasabihan niya itong, “Eh bakit kuya wala kang sariling jeep at bahay? Nangungupahan ka pa dito. Marami ka naman palang pera,”.
Hindi naman kumikibo si Abat sa tuwing babarahin ni Beng. Mayabang man umano kung titignan itong si Abat ay naging malapit pa rin siyang kaibigan kay Beng. Sa tuwing mag-aaway ito at ang ka-‘live in’ na si Charmaine dumideretso agad ang dalawa kila Beng, humihingi ng payo. Ganito sila ka-‘close’ dati.
Ika-17 ng Mayo 2009, kaarawan ni Abat. Nakiusap si Abat kay Beng na ipagluto siya ng pancit para sa darating na bisita. Naglalaba si Beng nun, tambak ang kanyang labahin kaya’t tumanggi siyang magluto.
“Naku kuya pasensya na hindi ako makakapagluto tignan mo naman kung gaano kadami ang labada ko,” paliwanag ni Beng.
Alas 9:00 na ng gabi, hindi pa rin tapus sa maglaba si Beng. Muling lumapit si Abat sa kanya dala ang isang batsa na puno ng maruruming damit.
“Beng paki labhan naman itong mga damit ko. Wala kasi si Charmaine,ako na bahala sa bayad” sabi ni Amat kay Beng.
Nung una’y tumanggi si Beng na labhan ang mga ito subalit napilitan siya sa pakiusap ni Abat.
Umabot siya ng madaling araw sa paglalaba. Isinampay niya pa ang mga damit sa tapat ng bahay ni Abat para paggising nito isisilong nalang niya ang mga ito.
Kinabukasan pinakiramdaman ni Beng kung babayaran siya ni Abat. Nagkasalubong sila nito sa 2nd floor subalit mukhang wala talaga umanong balak mag-abot itong kanyang kapitbahay.
“Natuyo na… nasuot na niya ang damit wala pa rin siyang binabayad!”, pahayag ni Beng.
Inutusan ni Beng ang anak na panganay na singilin si Abat. Ayon sa anak ni Beng galit pa umano itong nagbayad. Halagang Php100 ang inabot nito. Nabigla si Beng kung bakit isang daang piso lang ang bayad sa kanya gayung ayon sa kanya marami ang kanyang nilabhang damit.
Simula nun madalas na umanong magparinig si Abat sa kanya. “Tsismosa! Tsismosa talaga yan! Huwag kang magpapaniwala dyan sa tsismosang yan!” umano’y mga pasaring ni Abat.
Minasama na umano ni Abat ang pagpapayo ni Beng kay Charmaine sa tuwing sila’y mag-aaway. Nanghihimasok raw siya kaya simula nun, iniwasan na niya maging ang ka-live in ni Abat.
Dito na nag-iwasan si Beng at Abat. Setyembre 2009, habang nire-review ni Beng ang mga anak para sa finals bigla nalang niya narinig na nagsisigaw itong si Abat.
“Huwag mo sabihing Caviteña ka? Kala mo kung sino ka na… dayo ka lang naman dito!” sabi umano ni Abat.
Hindi na sana niya papansinin si Abat subalit alam niyang siya ang tinutukoy nito, siya lang naman ang Caviteña sa apartment.
Binuksan ni Beng ang pinto. Sinagot niya ito, “Eh anu naman ngayon kung Caviteña ko? Eh ikaw nga Ilocaño ka… ano naman sa’kin?”.
Hindi nagpatalo si Abat sa pananalita ni Beng. Minura umano niya si Beng gamit ang salitang Ilocaño at Bisaya. Ininsulto rin niya si Beng ng sabihin umano nitong, “Bakit ba ang hilig mong mag-tokong pag naglalaba? Siguro ang baho-baho ng bilat mo!”
Nagpanting ang tenga ni Beng sa mga narinig. Binalikan niya ng salita si Abat.
“Ano naman? Bakit naamoy mo ba? Ikaw kasi sanay ka sa mga bilat na mababaho! Kung sinu-sino kasing babaeng p*5a na mga bilasang bilat ang inaakyat mo sa bahay mo. Tuwalya ng asawa mo, tuwalya nila. Arinola ng
asawa mo ginagawa mong arinola,” mga pahayag ni Beng.
Umakyat ng third floor si Abat sa sobrang inis. Simula nun hindi na talaga sila nagpansinan ni Beng.
Makalipas ang dalawang buwan. Nagkasagutan ulit sila nitong si Abat. Habang naghuhugas siya ng plato, bumaba si Charmaine upang maghugas rin.
Sinabihan niya si Charmaine na ayusin ang mga kalat sa lababo. Minasama naman daw nito ang kanyang bilin. Nagdabog ito at nagbasag ng pinggan.
Nagulat si Beng sa naging reaksyon ni Charmaine kaya’t nilapitan niya ito at tinanong, “Anung masama sa sinabi ko? Nakiusap lang naman ako na ayusin mo ang lababo dahil kaming mga taga second floor ang nagliligpit ng kalat ninyo.”. Sabay akyat nitong si Charmaine at siya naman baba ni Abat.
Pinagmumura umano siya ni Abat. Hindi naman nagpatalo si Beng nagpalitan sila ng mura ng kapit bahay.
HINDI inurungan ni babae itong drayber hanggang magpang-abot ang dalawa na nahantong sa karahasan.
ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa MIYERKULES. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.
(KINALAP NILA MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 0919897285. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas din kami tuwing SABADO mula 8:30am- 12:00pm.
SA PUNTONG ito nais ko lamang batiin ang mga kaibigan sa FACEBOOK na sina Christi Co at Lilibeth Pernicita. Maraming salamat sa inyong pagtangkilik ng aking pitak.
Sana yung mga bastos na kaibigan nitong si Christi na katulad nitong si Soo ay i-ban sa Facebook na dapat ay “social networking” kung saan edukado at marunong ng mabuting asal lamang ang maaring gumamit.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com