APAT na manggagawa ang nahulog sa kanilang kamatayan mula sa 27th floor ng tinatayong condo sa Quezon City kamakailan. Wine-welding nila ang frame ng elevator shaft nang bumigay ang tinatapakang scaffolding. Palusot ng site engineer na biglang lumakas ang hangin at binaliktad ang tuntungan. At naniwala naman agad ang pulis. Hindi man lang inalam kung may nilabag na batas sa occupational safety.
Sa Olongapo dalawa ang nalibing nang buhay nang gumuho ang lupa ng construction site. Pagka-ulan, nagpatuloy ang laborers hukayin ang 20-talampakang-lalim na pundasyon, at bumagsak sa kanila ang mabuway na basang lupa sa itaas. Walang kinasuhan ang pulis.
Mali ang katuwiran na aksidente lang ang mga sakuna. Bunga ang dalawang ehemplo ng kapabayaan ng kontra-tista at may-ari. Unang-una, nag-training ba ang kontra-tista, site engineers at foremen nito sa industrial workplace safety? Alam ba nila ang mga alituntunin sa pagtatrabaho sa mataas na lugar? Sinunod ba nila ang rules sa pagtatayo ng scaffold o paghuhukay nang malalim?
Merong mga pamantayan sa pagtatrabaho kung ma-lakas ang hangin, at pagbuo ng scaffold. Kapag mababa sa anim na metro, kailangan pumasa ang tuntungan sa scaffold inspection. Kapag mas mataas dito, kailangan naman certified ito ng scaffold engineer. Kapag ang lakas ng hangin ay lumampas sa 25 kilometers per hour, dapat ihinto muna ang trabaho. Sinunod ba ang mga ito?
Sa insidente naman sa Olongapo, naiwasan sana ang kamatayan kung naglista ng safety measures. Halimbawa, kung umuulan, tigil ang excavation. Kung kailangan tala-gang walang-hinto ang paghuhukay, dapat naman ay nag-shoring o reinforcement sa gilid ng hukay. Kapag mahigit 1.4 metro ang lalim, dapat merong ladder pang emergency.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com