EDITORYAL - Isa-isang pinapatay
PARA humina ang kaso, kailangang mawala ang mga matitibay na testigo. Kung wala nang makapagtuturo, libre na sa kalaboso. Pinakamadaling paraan para mawala ang mga testigo ay dalhin na rin sa hukay. Kapag nasa hukay na ang testigo, wala nang pangamba na mabulok sa bilangguan ang akusado.
Ganito ang nangyayari ngayon kaugnay sa kasong pagpatay sa 57-katao sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009. Kabilang sa mga pinatay ay 30 mamamahayag. Pangunahing suspect sa pagpatay si dating Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr. at kanyang kapatid at ama. Nakakulong sila ngayon sa Camp Bagong Diwa, Taguig. Kabilang din sa mga kinasuhan ang mga kamag-anak ng mga Ampatuans, mga pulis at militiamen sa Maguindanao.
Pitong buwan na ang nakararaan mula nang maganap ang karumal-dumal na krimen at wala pang makitang liwanag sa kaso ang mga kaanak ng biktima. Ang masaklap pa, ang mga testigo ay isa-isang pinapatay para marahil tuluyang humina ang kaso.
Ang testigong si Suwaid Upham alias Jessie ay binaril noong gabi ng Hunyo 14 sa Parang, Maguindanao. Si Upham ay unang umamin na isa siya sa pitong bumaril sa mga biktima noong Nobyembre 23. Sinabi ni Upham na ang nag-utos sa massacre ay si Andal Sr., Andal Jr. at Zaldy.
Umano’y humingi ng witness protection si Upham sa Department of Justice pero hindi siya pinansin. Sinabihan na rin umano ng Human Rights Watch ang DOJ para mabigyan ng protection si Upham pero wala ring ginawa. Dahil sa hindi pagpansin sa kanya ng DOJ, ipinasya na lamang ni Upham na magbalik sa Maguindanao. Hanggang sa mangyari ang kinatatakutan niya. Natahimik nang tuluyan si Upham.
May bagong testigong lumutang laban sa Ampatuans noong nakaraan. Sana hindi sapitin ng bagong testigo ang nangyari kay Upham. Sana rin naman ay kumilos ang gobyerno para mahuli ang mga pumatay kay Upham at sana rin ay maparusahan ang mga hindi pumansin sa kanya habang nagmamakaawang bigyan ng proteksiyon. Kung iisa-isahin ang mga testigo, malayo nang makamit ang hustisya ng 57 biktima ng masaker.
- Latest
- Trending