Canada

AYON sa isang survey, marami ang naghahangad na manirahan sa Canada. Mataas ang porsyento ng mga taga-China at India na gusto roon. Marami na ring Pilipino ang nag-migrate roon dahil nga sa ganda at patas na buhay. May pinsan ako na matagal nang nasa Canada na wala na yatang planong bumalik sa Pilipinas. Ano nga ba ang maganda sa Canada?

Ayon sa mga nakakausap ko, mapayapa ang mga taga-Canada, ’di tulad ng mga Amerikano. Maganda ang sistema at kalidad ng edukasyon, at libre pa pati kolehiyo! Depende sa kakayahan mo, ilalagay ka sa babagay na kurso. Pati ang ospital ay libre rin! Isipin mo nga naman iyon. Pero ang malaking bagay na bentang-benta ang mga naninirahan doon ay ang pagkapatas ng buhay. Kung malaki kang magbayad ng buwis, mas marami ang benepisyo mo. Ito naman ang reklamo ng iba. Sa Canada, mataas ang buwis. Pero kung nakikita mo naman kung saan napupunta, at bumabalik naman sa iyo sa pamamagitan ng mga benepisyo tulad ng edukasyon at kalusugan, bakit hindi?

Ito na rin ang dahilan kung bakit maraming mga ga-ling sa mga mahihirap na bansa katulad ng China, India at Pilipinas ang gustong manirahan na lang sa Canada. Serbisyo na bumabalik sa iyo, dahil na rin sa buwis na binabayad mo. Kaya dito sa atin, hinding-hindi mangyayari ang katulad sa Canada.

Una, halos naanod na ang tiwala ng mamamayan sa lahat ng aspeto ng gobyerno, lalo na sa pera.

Pangalawa, dahil sa wala ngang tiwala sa gobyerno, marami ang hindi nagbabayad ng tamang buwis, dahil sa paniniwala na nanakawin lang at hindi naman mapupunta sa bayan.

Kaya paikot-ikot lang ang problema dahil hindi makalusot ang mga solusyon! Hindi maganda ang sistema ng pampublikong edukasyon, at isang kolehiyo lang ang may iskolar ng bayan. Ganun din sa kalusugan. Ang mga gobyernong ospital na dapat para sa mga mahihirap ay kulang na kulang sa pondo para maging isang magandang ospital. Malaki pa rin ang kailangang sagutin ng mga pasyente, kaya yung mga iba ay hindi na lang nagpapagamot.

Dito pa lang sa dalwang aspeto na ito, wala na tayong ipaghahambing sa Canada. Kaya hindi kataka-taka na maraming gustong manirahan na lang doon, kung may pagkakataon. Mataas rin kasi ang hinihingi ng bansang Canada sa mga gustong maging mamamayan. Dapat may maitutulong ka rin sa bansa, at hindi yung gobyerno lang ang tutulong sa iyo. Patas, ika nga, walang lamangan, tulungan lahat. Isang katangian na hindi magagawa sa Pilipinas.  

Show comments