Hindi puwede ang salita lang
(Unang bahagi)
TUNGKOL ito sa isang parselang lupa na may sukat na 1,007 metro kuwadrado at tinatawag na Lot 9. Nasa harap ito ng hi-way at orihinal na pag-aari ng mag-asawang Pastor (namatay noong 1962) at Vera pati ng mga anak nila na sina Rita, Lucy, Rod, Kiko at Mar na siyang tagapagmana ng mag-asawa. May kanya-kanyang puwesto na inookupa na ang magkakapatid nang mamatay si Pastor. Nasa harapan ng hi-way ang lumang bahay ng pamilya na pag-aari ng magkakapatid. Katabi nito ang kubo ni Rod samantalang nasa likuran naman ng lumang bahay ang bahay ni Mar.
Noong 1968, pinaupahan ng magkakapatid ang ibabang bahagi ng lumang bahay pati ang 300 metro kuwadradong bahagi ng lote kay Larry. Pumuwesto agad si Larry. Noong 1974, ibinenta nina Rod, Kiko, Lucy at Rita kay Larry ang interes at parte nila sa lumang bahay pati ang sa 300 metro kuwadradong lote na kinatatayuan ng bahay. Dahil sa kasulatan ng bentahan, hindi na basta umuupa si Larry. Kahati na siya nina Mar at Vera na hindi nagbenta ng parte nila sa lupa.
Sa iba’t ibang petsa ng 1971, tuluyan na rin na ibinenta nina Rod, Kiko at Lucy ang natitira nilang parte sa Lot 9 kay Cely. Noong 1983, ibinenta na rin ni Rita ang parte niya sa Lot 9 kay Cely. Ang kabuuan na parte ng lupa na nakuha ni Cely ay 493 metro kuwadrado.
Noong Hunyo 18, 1993, kinuha ng Republika ng Pilipinas sa pamamagitan ng DPWH (Department of Public Works and Highways) ang harap na bahagi ng Lot 9 para sa pagpapalapad ng kalsada (Cebu South Road) sa pamamagitan ng petisyon sa korte. Bilang okupante ng Lot 9, hinabol ni Cely na makakuha siya ng parte ng bayad katumbas ng kung gaano kalaki ang hawak niyang lupa. Kinuwestiyon ito nina Mar at Vera ngunit hindi naman naresolba.
Noong Hulyo 23, 1993, gumawa ng sinumpaang salaysay ang mga tagapagmana ni Pastor. Kinumpirma nila na matapos mamatay si Pastor noong 1962 ay nagkaroon ng partisyon o hinati-hati nila ang lupa. Kinumpirma din nila na ang parte nina Mar at Vera ay ang lupa sa harap ng hi-way samantalang sa iba pa nilang kapatid ang natitira sa likurang bahagi. Pinatutunayan ito ng survey na kasama ng sinumpaang salaysay.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending