BUMITIW na bilang AFP Chief of Staff si Gen. Delfin Bangit, nang maging malinaw na walang balak panatilihin siya ni President Noynoy Aquino sa puwesto. Sa totoo lang, hindi naman kasabay sa termino ng presidente ang posisyon ng AFP Chief of Staff. Ayon sa batas, kailangan lang niyang magretiro kapag 56 na taong gulang na siya. Sa kaso ni Gen. Bangit, may isang taon at isang buwan pa sana siya para manungkulan. Pero dahil sa kanyang kalapitan sa paalis na si President Arroyo, ito ang naging kabayaran.
Alam ng lahat na malakas si President Arroyo sa militar. Natuto siya sa mga nakaraang coup d’ etat na nagtatagum-pay lang kapag sumali na ang militar sa kanilang panig. Kaya naman inalagaan niya nang husto ang militar, partikular ang mga matataas na ranggong sundalo. Ang Gabinete ni Arroyo ang may pinakamaraming miyembro na mga dating sundalo. At nilipat-lipat lang niya ang kanilang mga posisyon para hindi mawala sa gobyerno. Gaya ni Angelo Reyes na ilang posisyon ang hinawakan sa loob ng siyam na taon. Inampon pa si Arroyo ng klase ni Bangit sa PMA. Maraming kaklase ni Bangit ang nakatanggap ng mga posisyon sa gobyerno nang magretiro na. Ganyan kalakas si President Arroyo sa militar.
May bagong presidente na. Ang tanong, magiging tapat ba ang militar kay President Aquino, o mararanasan ba niya ang dinaanan ng kanyang ina noong ito pa ang presidente? Dapat ganito kaaga ay maging malapit na rin si President Aquino sa militar. Dapat masabi sa kanya na ang buong AFP ay tapat sa bagong presidente. Tandaan na si President Arroyo ay lilipat lang ng bahay, ika nga. Hindi na siya ang commander-in-chief ng AFP, pero siguradong may impluwensiya pa rin sa militar. At hindi rin nakatulong ang tila banta ni Defense Secretary Norberto Gonzales, na magbubuo raw ng isang “shadow cabinet”, na pagmamasdan ang lahat ng kilos ni President Aquino. At kukunin daw niya si Gen. Bangit bilang miyembro. Bihira ko makita si Gonzales noon, kahit miyembro na siya ng Gabinete ni GMA. Pero ngayon, parang gustong-gusto makapanayam. May patutsada pa sa bagong presidente. Alam na natin kung sino ang babantayan. Kung may “shadow cabinet” siya, dapat mailawan ng administrasyong Aquino.