Usapin ng dagdag-pasahe
MAINIT na naman ngayon ang usapin hinggil sa pasahe sa pampublikong transportasyon. Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), maraming malalaking samahan ng mga driver at operator ng mga PUJ at bus ang humihirit ng fare hike o dagdag-pasahe.
Base sa impormasyon, nais umano ng mga transport group na dagdagan ng piso o higit pa ang minimum na pa-sahe, at karagdagan pang 40 sentimos sa bawat kilometro ng kanilang biyahe lampas sa nakatakdang minimum distance. Ayon sa naturang mga grupo, sobrang taas na kasi ng halaga ng produktong petrolyo kaya’t halos wala nang kinikita ang mga drayber at operator sa kanilang hanapbuhay.
Dagdag nila, habang pinag-aaralan pa ang kanilang fare hike petition ay dapat ipatupad ng LTFRB ang pansamantalang dagdag-pasahe na 50 sentimos. Iginiit ng mga ito na ang naturang 50-sentimos ay bahagi naman talaga ng regular na pasahe pero ibinoluntaryo lang nila itong ibinawas noong 2008 matapos bumagsak noon ang presyo ng langis sa world market.
Makatuwiran naman ang reklamo ng mga transport group sa tuloy-tuloy na nagaganap na oil price hike sa ating bansa. Pero sa kabilang banda ay balido rin ang pagtutol ng commuters sa fare hike dahil panibagong dagdag ito sa kanilang pang-araw-araw na gastos lalunat hindi pa nga sila nakakahinga sa malaking gastusin sa kabubukas pa lang na school year.
Sa isa pa ring punto ng debate ay sinasabing ang mga kompanya ng langis at ang pamahalaan ang dapat gumawa ng kaukulang adjustment sa usaping ito sa pamamagitan ng kaunting pagbawas ng oil companies sa kanilang kita at kaunting pagbaba rin ng singil na buwis ng gobyerno.
Kami ng aking panganay na anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ay nananawagan sa LTFRB at sa mga sangkot sa usaping ito na pag-aralan at timbanging mabuti ang isyu sa pasahe at presyo ng produktong petrolyo. Ang desisyon hinggil dito ay kailangang maging makatwiran at hindi gaanong makabibigat sa alinmang apektadong partido.
- Latest
- Trending