'Ayala Alabang lovers'

WALANG babaeng hindi marunong madala. Kahit ang pinaka martir na misis marunong rin sumuko.

Si Lolita Ros, 45 taong gulang ay nagsadya sa aming tang­gapan. Hindi na bago sa amin ang anyo ni Lolita o “Lita”. Sa pa­nahon ngayon, sampu-sampera ang mga babaeng binibugbog ng asawa o mga ‘battered wife’.

Ang tinutukoy ni Lita ay ang asawang si Baltazar o “Bal”, isang ‘security officer’. Taong 1992 ng magkakilala si Lita at Bal sa isang Christmas Party sa Ayala Alabang Village. Kasambahay si Lita nun. Gwardiya naman ng bahay ng isang Koreano si Bal.

Nagsimula ang kanilang pagkakaibigan sa simpleng pagbati ng “Hello”.

Isang umaga habang nasa labas si Lita, nagulat siya ng makita si Bal na nakatayo sa kanilang kaharap na ‘gate’.

Nalaman niyang magkatapat lang pala ang bahay ng kanilang mga amo. Simula nun madalas ng magkita sila Lita at Bal. Nagpalitan sila ng telephone number. Naging mag-phone pal sila.

Tinatawag ni Lita kay Bal ang araw ng kanyang day-off. Si Bal naman  dumidiskarte para makapag-off rin. Dito sila nagdi-date.

“Madalas kaming manood ng sine kung di naman sa park kami nagkikita. Na-in love ako kay Bal. Hindi ako nagpakipot pa. Pinaubaya ko na ang sarili ko sa kanya. Napadalas ang check in namin sa motel,” sabi ni Lita.

Enero 1993 natuklasan ni Lita na siya’y buntis. Tinago ito ni Lita sa kanyang amo. Umuwi siya sa Villasis, Pangasinan. Ilang linggo pa ang nagdaan bago niya aminin sa nobyong na siya’y buntis.

Si Bal naiwan pa rin sa kanyang trabaho sa Ayala Ala­bang. Babae ang naging anak nila. Apat na buwan matapos manganak si Lita, saka sumunod si Bal. Pagluwas ni Bal sa Maynila isinama na niya ang kanyang mag-ina.

Tumuloy sila sa Pag-asa sa kapatid ni Lita. Naging maayos naman pagsasama nila dito. Taong 1998 ng masundan ang ka­nilang anak.

Makalipas ang limang taon ng maayos na pagsasama nag­simulang magkaroon ng lamat at bitak ang kanilang relasyon. Nagsimula umanong mambabae si Bal. Nadestino si Bal sa Solid Cement sa Antipolo. Nagrenta siya ng kwarto sa labas ng planta.

Mayo 2004, bumisita ang mga anak nila kay Bal. Pag-uwi ng kanyang mga anak isang sumbong mula sa 12 anyos niyang anak ang nakarating sa kanya. May babae daw na pumupunta kay Bal. Nakilala nila ito sa tawag na “Rems”.

“Duda ng panganay ko kabit yun ni Bal. Nakisalo daw ang babae sa tanghalian nila. Nag-abot pa raw ng pera ang asawa ko!” kwento ni Lita.

Sinugod ni Lita ang asawa. Ika-13 ng Abril bandang 10:00 AM, pinuntahan niya si Bal. Nadatnan niya ang babae nito na nakaupo sa labas ng pinto, bagong ligo pa umano ito habang ang asawa niya naman ay nakahiga sa sala. Nang mapansin siya ni Bal dumungaw ito sa pintuan sabay takbo papunta sa kwarto.

“Asan ang asawa ko?!” tanong ni Lita.

Hindi umimik ang babae ni Bal. Ilang minuto ang makalipas bago siya pinapasok nito. Ipinakilala siya ni Bal, “Lita.... siya Rems...”.

Hindi nagpansinan ang dalawa. “Sino siya? Bakit siya nandito sa bahay mo?” wika ni Lita.

Depensa ni Bal asawa si Rems ng kanyang tauhan sa planta. Hindi naniwala si Lita, makalipas ang ilang minuto dumating ang sundo ni Rems, si Jun kasamahan sa trabaho ni Bal. Naiwan ang mag-asawa sa bahay.

Kinompronta ni Lita si Bal, “Anu na namang idadahilan mo? Totoo pala lahat na may babae ka!”.

Giit ni Bal nakituloy lang si Rems! Wala umano silang relasyon.

Kinabukasan muling minanmanan ni Lita ang asawa. umabot ng dalawang buwan ang kanyang pagbabantay kung babalik si Rems subalit maging si Bal hindi na tumuloy dun. Nalaman niyang sa planta na namamalagi si Bal at lumipat na rin umano ng bahay ang babae nito.

Para mawala ang duda ni Lita. Niyaya siya ni Bal magpakasal. Pumayag naman si Lita dahil ito ang magpapatibay ng kanilang pagsasama. Kinasal sila nung taong 2008.

Dahil mag-asawa na sila mas lalong pinag-ibayo ni Lita ang pagbabantay sa kanyang mister. Ang pakiramdam ni Lita dahil hindi na makapambabae ang kanyang asawa. Lumaki ang galit nito sa kanya na humantong sa pananakit. Nung huli nga ay nung Abril 2010. Halos patayin na umano siya ni Bal.

Pinuntahan niya nun ang asawa sa pinagtatrabahuhan nito sa Ortigas upang kumuha ng pera pang-project ng anak. Nag-usap sila sa basement. Hindi na pigilan ni Lita ang sarili. Binasa niya sa asawa ang mga text ng umano’y bagong babae ni Bal na si Liezel isang lady guard.

Dinial ni Lita ang number ni Liezel, dinikit niya ito sa tenga ni Bal at sinabing, “Oh yan ang kabit mo... sagutin mo, kausapin nagriring na! Dali!”.

Pinatay ni Bal ang cell phone at inilagay ito bulsa. Sa tindi ng galit ni Lita dinampot niya ang mop na nasa tabi niya. Hahampasin niya sana ang asawa subalit agad siyang napigil. Kinuha ni Lita ang cell phone sa bulsa ni Bal Nag-agawan ang dalawa. Hinawakan ni Bal ng mahigpit ang dalawang kamay ni Lita para mabitiwan ang cell phone. Inumpog umano ni Bal ang ulo ni Lita sa kanto, sa gilid ng banyo.

Hiniga siya ng asawa sa sahig. Tinapaktapakan siya umano nito at pinagsisipa, sinapak rin siya sa mukha. Tinaas niya ang kanyang dalawang kamay para masalag ang sipa ni Bal kaya marami rin siyang tinamong pasa sa kanyang braso. Piniga ni Bal ang braso ni Lita hanggang nabitawan niya ang cell phone. Kinuha ni Bal ang cell phone at dun lang natigil ang pananakit sa kanya.

Kinausap siyang bigla ni Bal, “Lita, mag-usap tayo! Anu bang problema? Pinakasalan na nga kita anu pa bang gusto mo?”.

Napagkasunduan nila na sa barangay nalang mag-usap. Dumating ang takdang araw ng magharap subalit hindi sumipot si Bal. Sa ngayon pinagtataguan na siya ni Bal kaya’t nagpasya si Lita na humingi ng tulong sa amin.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Lita.

Bilang tulong pinayuhan namin siyang magsampa ng kasong Physical Injuries sa ginawang pananakit sa kanya ni Bal. Kasong concubinage naman para sa pakikiapid nito.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, taliwas sa paniniwala ni Bal, hindi sakramento ng kasal ang magpapatunay ng pagmamahal ng isang lalake para sa isang babae at hindi rin ito ang naggagarantiya na magiging matagumpay ang inyong pagsasama. Ang pananakit sa asawa ay walang puwang para sa isang sibilisadong lipunan. Wala na tayo sa “stone age” kung saan hinahambalos sa ulo ang babae at kinakaladkad sa buhok upang sumunod sa kanya. Bakla ang tawag sa mga lalaking nanakit ng babae. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 0919897285. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari kayong magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments