SUNUD-SUNOD ang mga nangyaring aksidente sa kalsada. At lahat ay isinisisi sa kawalang ingat ng mga drayber sa kanilang pagmamaneho. Ang kanilang pagiging iresponsable ang naging dahilan nang pagkamatay nang maraming tao. Idinamay nila sa kawalang ingat ang mga inosenteng mamamayan. Ngayon marahil matatauhan ang Land Transportation Office (LTO) at maghihigpit na sa pag-iisyu ng lisensiya sa mga drayber. Siguro sa mga nangyaring malalagim na aksidente, ay idadaan na sa “butas ng karayom” ang mga kukuha ng driver’s license. Bago makakuha ng lisensiya ang aplikante, kailangang dumaan muna siya sa matinding eksamin.
Unang malagim na aksidente ay nang mahulog sa bangin ang isang tourist bus sa Cebu kung saan 31 Iranian medical students at ang iba ay doctor ang namatay. Nagkamali umano ang drayber sa pagmamaneho ng bus kaya nahulog. Masyadong sharp ang kurbada at hindi natantiya kaya bumulusok sa bangin.
Kasunod na aksidente ay nang bumangga sa poste ng ilaw ang isang Toyota Prado sa Cavite at pitong estudyante ang namatay. Umano’y lasing ang drayber ng SUV at masyadong mabilis ang pagpapatakbo. Galing sa Tagaytay City ang mga estudyante. Sa lakas ng pagbangga ay bumaliktad ang Prado.
Isang araw ang nakalipas, isang malagim na aksidente ang nangyari sa Carmona, Cavite, kung saan siyam ang namatay. Nag-overtake ang delivery truck ng LPG sa isa pang truck hanggang sa bumangga sa kasalubong. Matapos bumangga ay bumangga muli ito sa poste ng kuryente, sa isa pang sasakyan at sa karinderya. Nang bumagsak ang poste ay tumama ito sa LPG tanks. Nawasak ang mga tangke at saka nagkaroon ng pagsabog. Nasunog ang karinderya at nadamay ang iba pang establisimento.
Makalipas lamang ang ilang oras, dalawang truck ang nagbanggaan sa Sta. Rosa City, Laguna. Kapwa patay ang drayber ng truck. Nag-overtake ang isang truck sa pampasaherong dyipni at nabangga niya ang kasalubong na truck.
Sa loob lamang ng isang linggo ay 18-katao na ang namamatay dahil sa mga aksidente sa kalsada.
Dapat nang magkaroon ng pagbabago sa LTO hinggil sa pag-iisyu ng lisensiya. Hindi dapat mag-isyu ng lisensiya hangga’t hindi dumaraan sa matinding eksaminasyon ang aplikante. Kung hindi ito maipatutupad, asahan pa ang malalagim na aksidente sangkot ang mga mangmang na drayber.