Hindi raw hawak ang baril

(Huling Bahagi)

PAGKARAAN ng paglilitis, napatunayan na nagkasala si Fil at hinatulan ng pagkabilanggo mula anim na taon at isang araw hanggang walong taon. Pinagmulta rin siya ng P80,000.00. Sa apela ay kinumpirma ng Court of Appeals ang naging desisyon ng korte.

Kinuwestiyon ni Fil ang naging desisyon ng Court of Appeals. Ayon sa kanya, paano siya kakasuhan ng pag­labag sa batas samantalang hindi naman niya hawak ang mga baril nang dumating siya sa Pilipinas at nasa kustodiya ito ng piloto ng eroplano. Tama ba si Fil?

MALI. Nakumpiska ang mga baril at bala ng mga pulis ng Dubai. Hindi papauwiin si Fil sa Pilipinas at ikinulong na nga roon kung hindi lang nakialam ang station manager na si Lino at hindi pumayag ang piloto na si Kapitan Ed sa kondisyon na tanggapin ang kustodiya kay Fil at sa nakum-piskang mga baril at bala Pinatutunayan din ng mga papeles na tulad ng Customs Declaration Form na si Fil ang talagang nagdala ng mga baril at bala mula sa ibang bansa papunta sa Pilipinas. Ang dokumentong ito ay kailangan para sa lahat ng dadating na pasahero mula sa ibang bansa. Ang mga impormasyon at detalyeng nakasaad dito ay tanging si Fil lang ang nakakaalam. Hindi masasabi na kailangan na ang tulong ng abogado dahil hindi pa naman siya inaaresto nang sagutin at pirmahan niya ito. Sa katunayan, sinamahan lang siya ni Max sa imbestigasyon matapos niyang pirmahan ang dokumentong ito.

Maituturing na si Fil pa rin ang may posesyon sa mga baril at bala. Sa ilalim ng PD 1866, pinarurusahan ang sinuman na may pisikal o aktuwal na posesyon pati ang sinuman na may tinatawag na “constructive possession” o may intensiyon na makakuha sa posesyon nito.

Sa kasong ito, pumayag lang ang piloto ng eroplano na si kapitan Ed na kunin ang kustodiya kay Fil at sa mga baril at bala upang hindi siya maiwan na nakakulong sa Dubai at mapauwi dito sa Pilipinas.

Sa madaling salita, kaya lang tinanggap ng piloto ang kustodiya ng mga ba­ril at bala ay para na rin sa kapakanan ni Fil. Sa ating batas ay malinaw na nagkasala si Fil (Evangelista vs. People, G.R. 163267, May 5, 2010)

Show comments