GMA hinahabol ng kamalasan?
PABABA na sa kapangyarihan si Presidente Arroyo ay parang hinahabol ng kamalasan. Ang tinutukoy ko ay ang tatlong magkakasunod na pagpatay sa mga mamamahayag kamakailan. Wala mang direktang kinalaman diyan ang Pangulo, “blackeye” pa rin sa kanya.
Sana’y mabawasan na ito kung hindi man mawala nang ganap sa pagpasok ng bagong administrasyon ni Noynoy Aquino.
Kakaiba kasi ang pagpatay sa mga alagad ng media kung ihahambing sa mga ordinaryong pagpatay. Laging naka-ugnay ito sa pagsupil sa kalayaan ng pamamahayag.
Halimbawa, ang suspek sa pagpaslang sa isang radio man sa Bacarra, Ilocos Norte kamakailan ay ang vice mayor-elect ng bayan na si Pacifico Velasco. Ang biktima naman ay si Jovelito Agustin na anchorman sa himpilang DZJC.
Ayon sa pulisya, ang hinihinalang bumaril kay Agustin ay si Leonardo Banaag na bodyguard umano ng vice-mayor elect. Noon namang araw lang ng Sabado, isa pa ring reporter ng diyaryo na nagngangalang Nestor Dedolido ang itinumba rin sa Digos, Davao del Sur. Nakalulungkot ito dahil sapul nang matapos ang Marcos dictatorship noong 1986, umabot na sa 140 mamamahayag ang pinatahimik. Ang lalung masakit, kakaunti lang ang mga kasong nabigyan ng hustisya.
Hindi nangangahulugan na may kinalaman ang Presidente sa pagpatay sa mga mamamahayag. Pero responsibilidad ng isang Pangulo ng bansa na tiyaking naipatutupad ang batas at karampatang proteksyon upang mapangalagaan ang buhay ng mga mamamahayag.
Ipinagmamalaki natin na ang Pilipinas ang isa sa mga may pinakamalayang media sa daigdig. Pero kakambal naman ng kalayaang ito ang panganib sa buhay ng mga media practitioners na dahil sa kanilang pagbubunyag ng mga iregularidad sa pamahalaan at lipunan ay pinapatay.
Sana’y matapos na ang ganitong malagim na siglo sa pagpasok ng administrasyong Aquino.
- Latest
- Trending