Hindi raw hawak ang baril (Unang bahagi)

KASO ito ni Fil, isang OFW sa Angola. Pauwi na siya sa Pilipinas noong Enero 30, 1996 mula Dubai nang pinigil siya ng mga pulis na Arabo sa Dubai dahil natagpuan sa kanyang maleta ang isang Israel Jericho pistol, isang Mini Uzi, at 19 mm na bala.   Dahil nakalistang pasahero ng PAL mula Dubai papuntang Manila, ipinagbigay alam sa Station Manager roon na si Lino na kukumpiskahin ang mga baril at ikukulong doon si Fil maliban na lang kung papayagan ang piloto ng eroplano na si Kapitan Ed na tanggapin ang kustodiya kay Fil pati na rin ang mga baril at bala.

Nilapitan ni Lino si Kapitan Ed at kinausap tungkol sa kaso ni Fil. Pumayag naman ang kapitan at tinanggap ang kustodiya ni Fil at ng mga baril at bala para makaalis na ang lalaki sa Dubai at makabalik ng Manila. Kinuha ni Lino ang mga baril mula sa Arabong pulis at ibinigay kay Kapitan Ed. Itinago naman ng kapitan ang mga baril sa cockpit ng eroplano habang nakaharap ang mga Arabong pulis. Pagkatapos ay saka hinayaan si Fil na makasakay sa eroplano.

Pagdating dito, ipinaalam kay Max, isang customs police, na isang pasahero ang darating na may dalang mga baril at bala. Sinalubong siya ng isang miyembro ng crew ng eroplano at ipinakilala kay Fil. Nang tanungin ni Max kung may dala siyang mga baril at bala ay agad na umamin si Fil at sinabing binili niya ang mga ito sa Angola.

Pagkatapos ay pumirma ng mga papeles si Fil, kabilang dito ang Customs Declaration Form kung saan nakasulat na dalawang baril ang ipinadala at isinuko sa PAL. Kaya isinama ni Kapitan Ed si Max sa cockpit at ibinigay ang mga baril at bala.

Pagkatapos ay dinala ni Max si Fil sa Investigation Room. Nagkaroon ng imbestigasyon kay Fil at pati ang mga bagahe niya ay siniyasat. Sa imbestigasyon, inamin ni Fil kay Special Agent Pol na binili niya ang mga baril sa Angola ngunit nakumpiska ang mga ito sa Dubai at ibinigay sa piloto ng PAL. Pagkaraang mangalap ng iba pang dokumento tulad ng Arrival Endorsement Form at Customs Declaration Form at matapos mapatunayan sa Firearms and Explosives Office ng Camp Crame na hindi lisensiyado si Fil na magdala ng baril at sa Bureau of Customs na hindi legal na nabili ang mga baril, pinadala ni Pol ang kaso ni Fil sa DOJ State Prosecutor. Matapos ang paunang imbestigasyon sa piskalya, sinampahan sa korte si Fil ng kasong illegal possession of firearms o paglabag sa Section 1, PD 1866.   (Itutuloy)

Show comments