Maraming umaasa kay Noynoy

LAHAT ng mga sumuporta kay President-elect Noynoy Aquino ay umaasa na hindi ito sisira sa kanyang mga pangako. Matagal nang naghihirap ang maraming Pinoy. Matindi ang peace and order situation. Laganap ang graft and corruption. Marami ang nangangamba na matulad si Noynoy kay GMA na nalulong sa pulitikahan. Maaaring mangyari ito kung hindi mag-iingat si Noynoy lalo’t napakaraming pulitiko ang tumulong sa kanyang pagkapanalo . Malamang na suklian ni Noynoy ang mga ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tungkulin sa kanyang administrasyon.

Ang problema, mahirap siguruhin na ang mga taong bibigyan ni Noynoy ng posisyon ay may parehong prinsipyo katulad nang sa kanya. Ano naman kaya ang gagawin ni Noynoy sa mga sariling tao niya na matagal nang naging loyal? Ewan ko kung lalabanan ni Noynoy ang pulitikahan na normal lamang na umiiral kahit na sino ang nakaupo sa Malacanang.

Sa ngayon, lubos pa rin ang paniwala ng sam­bayanan, kasama na ang mga narito sa Amerika na magiging tagumpay si Noynoy sa kanyang mga pangako. Bubuwagin niya ang mga masasamang kinagawian ng mga mamamayan at lahat ng hindi magandang nangya­yari sa bansa. Marahil, ang kailangan ni Noynoy ay dasal at matinding pagtitiwala sa Diyos dahil sa mga kinakaharap na problema ng bansa.

Show comments