Editoryal - Textbooks na maraming errors
AYON sa report, patuloy pa ring ginagamit sa eskuwelahan ang mga librong maraming errors. Taliwas ito sa sinasabi na inalis na ang mga libro makaraang ibulgar ng isang school administrator ilang taon na ang nakararaaan. Maraming pagkakamali sa mga librong pangkasaysayan at ganundin sa English at nakita ang mga ito ni Antonio Calipho-Go. Si Go ay academic supervisor sa Marian School sa Novaliches. Mula nang makita niya ang mga pagkakamali sa grammar at sa mga tala ng kasaysayan sa mga librong ginagamit, hindi na siya tumigil sa pagbubulgar ng mga ito. Patuloy siyang naghanap at nag-research para mailabas ang mga pagkakamali.
Nang maibulgar ni Go ang mga pagkakamali sa mga libro, agad namang kumilos si dating DepEd secretary Jesli Lapus at ipinabawi ang mga librong naipamahagi na sa public schools. Agad ding nag-utos na rebyuhin ang mga librong maraming errors.
Marami ang nag-akala na sa hakbang ni Lapus ay tapos na ang problema sa mga librong may errors. Pero hindi pa pala dahil ayon sa report ang mga librong ipinag-utos na itigil ang pagdidistribute ay iyon pa rin ang inimprenta at umano’y ipinagagamit sa mga estudyante. Ayon sa report, ni-revised ang mga libro pero naroon pa rin ang mga errors. Nagmukhang bago ang pabalat pero ang nilalaman ay ganoon pa rin.
Umalis na si Lapus sa DepEd at ipinalit sa kanya si Sec. Mona Valisno. Ang pagkilos kaya ni Lapus noon ukol sa mga librong maraming errors ay mabibigyan ng solusyon ni Valisno? O wala nang magagawa dahil malapit nang matapos ang termino ni President Arroyo at kasama ring lilisan si Valisno? Kung magkakaganoon, walang naiwan na magandang alaala sa Arroyo administration dahil maski ang mga libro ay hindi nila nagawang itama ang mga pagkakamali.
Sinabi ni President-elect Noynoy Aquino kaugnay sa mga librong ginagamit sa mga eskuwelahan: “Ang mga walang kalidad na libro ay hindi nararapat sa mga paaralan. Hindi ko ito-tolerate ang mga libro na may mahinang kalidad. Ang mga librong gagamitin sa mga paaralan ay dapat dumaan sa tatlong criteria: quality, better quality and more quality.”
Aasahan ng sambayanan ang pangakong ito. Kailangan ito para makatakas sa kamangmangan ang mga bata.
- Latest
- Trending