KASALUKUYANG nakakulong ang dalawang swiss nationals na umano’y maintainer ng cybersex den sa Cagayan de Oro City.
Matatandaang taong 2009 nang mahulog ito sa kamay ng National Bureau of Investigation-NEMRO at Philippine National Police-Cagayan De Oro.
Naharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Human Trafficking Act ang dalawang dayuhan.
Bagamat nasa loob pa ng piitan ang dalawa, tila may kumikilos upang mapawalang bisa ang batas natin laban sa mga dayuhang ito.
Taong 2009 din nang makialam ang gobyerno ng Switzerland hinggil sa pagkakahuli ng dalawang dayuhang maintainer ng cybersex den.
At ngayon naman, ang NBI-NEMRO sa Cagayan De Oro ang pinuproblema ng City Prosecutor’s Office ng nasabing probinsiya.
Sa e-mail na ipinadala sa BITAG mula sa Cagayan De Oro City Prosecutor’s Office, humihingi ito ng tulong upang maiprisinta sa hukuman ang mga ebidensiya.
Isa na rito ang forensic examination result sa mga computer na nakumpiska sa nasabing cybersex den. Nasa kamay pa ng NBI-CDO ang mga computers.
Sumulat na ang Prosecutor’s Office ng Cagayan De Oro sa NBI-Manila hinggil dito, sagot ng tanggapan ni NBI Director Nestor Mantaring, ipadala sa Maynila ang mga computer.
Subalit napakarami ng mga computer na nakumpiska sa nasabing cybersex den, hindi praktikal para ibiyahe ito papunta lamang ng Maynila.
Kaya’t ang apela ng prosecutor na may hawak sa kaso, magpadala na lamang ng forensic expert sa Cagayan De Oro para masuri ang mga computer.
Hanggang sa ngayon, wala pa raw kasagutan ang tanggapan ni NBI Director Mantaring. Ayaw naming maglaro sa aming isipan na bagamat may pangil ang batas ng Anti-Human Trafficking sa ating bansa, minamanipula ito ng ilang tao sa pamama-gitan ng delaying tactics.
Patuloy kaming nakatutok sa kasong ito, kung kailangan pompiyangin ang dapat gisingin, gagawin ng BITAG.
Hindi kami magdadalawang-isip na ipakita sa publiko kung sino ang nasa likod ng pagmamanipula para hindi mahatulan ang mga may sala sa kasong ito.