Sarili muna bago tauhan

Labing-isang araw na lamang po mga suki at lilisanin na ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Malacañang kaya abot langit ang pagsusumigaw ng kanyang mga iiwanang sundalo at kapulisan na naglingkod sa kanyang Palasyo. Iyan ang hinaing na aking natanggap matapos na hindi nila matanggap ang walong buwang Special Duty Allowance na dapat sana’y nakatulong sa kanilang mga anak nitong pasukan sa eskwela.

Ayon sa kanila, mukhang abala ang kanilang commander na si Col. Jonas Conde Sumagaysay sa paglakad ng kanyang sariling papeles upang mapanatali ito sa puwesto o dili kaya’y mabigyan ng juicy position sa bagong gobyerno ni P-Noy president-elect Noynoy Aquino kaya hindi na nito nailakad ang mga allowance ng kanyang nagugutom na mga tauhan. Aba Col. Sumagasa este Sumagaysay sir, huwag mo naman talikuran ang iyong matatapat na mga tauhan dahil sa panahon ngayon na kailangan ng kanilang pamilya ang kaunting datung na maitustos sa pag-aaral ng kanilang mga anak. At kung patuloy kang magsawalang kibo, aba tiyak na darating ang araw na ikaw rin mismo ang kanilang sisingilin.

Kaya Col. Sumagaysay sir, kumilos ka sa ngayon bago dumating ang mga uhaw sa kapangyarihan este bagong pamunuan diyan sa kapaligiran ng Malacañang ng di naman maagrabyado ang iyong bataan. Kung sabagay, hindi lamang pala taga-Palasyo ang umiiyak sa ngayon dahil maging itong kapulisan ng Parañaque City ay halos anim na buwan na ring hindi natatanggap ang kanilang biyaya mula sa kanilang sakitin na Mayor Florencio Bernabe. Ito ang hinaing na aking natanggap kamakailan lamang. Ayon sa aking mga kausap, mukhang naubos ni Mayor Bernabe pati ang kanilang allowance noong kampanyahan. At matapos na manalo muli sa pagka-mayor itong si Bernabe ay nagpa-America naman upang magpagamot umano ng kanyang sakit.

Ay naku ano ba yan mga suki! Mukhang inabot na talaga ng malas itong taga-Parañaque Police. Aba, Mayor Bernabe sir, paki lingon naman sa iyong mga kapulisan upang masulyapan mo man lang ang kanilang paghihirap.

Abangan!  

Show comments