SA lahat ng pagdiriwang nating mga Kristiyano ay pinasisimulan ito ng sama-samang paghingi sa Diyos ng kapatawaran. Panginoon, maawa ka. Kristo, maawa ka. Panginoon, maawa ka. Walang hanggan ang awa at pagpapatawad ng Panginoon.
Maging si David na hinirang ng Diyos na maging hari ng Israel ay pinaglaruan pa niya ang salita ng Panginoon; nilabag ang Kanyang kalooban. Sa kanyang makamun- dong pagnanasa ay ipinapatay niya si Urias at kinuha ang kanyang asawa. Pinagsisihan niya ito at lubusang nagpakasakit. “Diyos ko, ako’y patawarin sa aking pagkasuwail”.
Sinabi ni Pablo na tayo’y pinawalang-sala ng Diyos dahil sa pananalig kay Hesus. Maging ang ebanghelyo ngayon ay nagpahayag na ang malaking pagmamahal ng Diyos ay nagpapatunay ng Kanyang pagpapatawad. Nagtaka ang Pariseong si Simon na sa kanyang pag-anyaya kay Hesus sa kanyang handaan ay nasaksihan pa niya ang pagpapatawad sa babaing makasalanan matapos nitong linisin ng mga luha ang paa ni Hesus, pinunasan ng buhok, hinagkan at pinahiran ng pabango.
Kung talagang propeta ang taong ito ay bakit nakikisalamuha sa isang makasalanan.
Inihalintulad pa ni Hesus sa dalawang taong nangutang ng dinaryo, ang isa limangdaan at ang isa naman ay limampu. Nang hindi makabayad ay parehong pinatawad. Kailanman ay hindi namimili ang Diyos sa kanyang pagpapatawad malaki man o maliit. Sinasabi ni Hesus sa ating lahat tulad ng sa babae: “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan. Iniligtas ka ng iyong pananalig, yumaon ka na’t ipanatag mo ang iyong kalooban”.
Ang kapatawaran ay ha-ngo sa ating lubusang pagsisisi at pagtutuwid sa ating buhay. Kung tunay na maraming nagawang kasalanan ang mga dating namumuno sa ating pamahalaan ay huwag silang mawalan ng pag-asa. Ang Diyos ay mapagpatawad. Subalit dapat din nilang tang-gapin ang kaparusahan dito sa lupa. Ibig sabihin linisin muna ang mga katiwalian. Pumanaw man ang mga nagkasala ay hindi maninirahan sa apoy na walang hanggan.
Subali’t kung hanggang ngayon ay walang nagsisi at ang ipinagmamalaki ay ang paikut-ikot na salapi ng batas ay darating ang panahon na buhay pa sila sa lupa ay pinarurusahan na ng Maykapal.
Ang Diyos ay mapagpatawad at mapagmahal.
2Sam12:7-13; Salmo31; Gal2:16-21 at Lk7:36-50