Mana

NATATANDAAN ko ang cover ng TIME magazine noong naging presidente na si Corazon Aquino. Ang nakalagay na caption sa cover ay “Inheriting a Mess”. Tinutukoy ng manunulat ang minanang mga gulo at problema ni President Aquino mula sa mga Marcos, na namuno sa bansa ng dalawang dekada bago napatalsik sa EDSA I revolution. At ngayong proklamado na si President Noynoy Aquino, tila ganun din ang tadhana niya katulad ng kanyang dakilang ina. Minana rin niya ang mga malalaking problema mula sa isang presidente na namuno ng siyam na taon. Kaya naman ang unang pahayag ni President Aquino ukol sa kanyang unang gagawin, alamin ang mga problema ng bansa. Naku, saan kaya sila magsisimula?

Nandyan ang problema ng edukasyon at kung paano mapapaganda ito para sa lahat, partikular sa mga pampublikong paaralan. Nandyan ang pinangakong lilinisin ang buong gobyerno mula sa korapsyon, na humila sa progreso ng bansa nung administrasyong Arroyo. Ni isa sa napakaraming anomalyang lumantad ang hindi pa nagkakaroon ng solusyon o hatol laban sa mga salarin. Serbisyong maayos para sa mahihirap, lalo na sa kalusugan. Mga programa na magbibigay hanapbuhay sa mga mahihirap, at hindi binibigyan ng regalo lamang.

Kaya mahalaga ang mga pipiliing miyembro ng kanyang Gabinete, at dito nakasalalay ang magandang takbuhan ng lahat ng ahensiya at sanga ng gobyerno. Mga kagawarang tulad ng DPWH at Customs na mga kilalang balwarte ng mga buwaya. Mga magagaling sa ekonomiya na hindi magpapasikat ng mga numero lamang kundi tunay na magandang ekonomiya na mararamdaman ng lahat. At higit sa lahat, mga walang bahid ng korapsiyon. Hindi ka maglalagay ng prutas na may bulok sa ibang mga prutas na walang bulok. Kapag hindi nabantayan at tuluyang itong nabulok, mahahawa na ang iba. Ganyan ang korapsyon. Nag-uumpisa sa maliit na bagay, na inuumpisahan ng isang marunong. Kalinisan, katapatan sa gobyerno ang pangako ng administrasyong Aquino. Dapat lang.

Show comments