EDITORYAL - Hindi biyaherong Presidente

SA simula pa lamang ay sinabi na ni president-elect Benigno “Noynoy” Aquino III na hindi siya magiging biyaherong presidente. Hindi raw siya ang tipong gustong lalabas nang lalabas ng bansa. Katibayan daw nang hindi ugaling maglalabas o maglalayas ay ang expired niyang passport na ilang taon na niyang hindi nare-renew. Sabi niya, ipauubaya na lang daw niya sa kanyang minister o sa Cabinet member ang pagtungo sa ibang bansa. Marami na raw siyang tinanggap na imbitasyon para bumisita sa ibang bansa pero hindi niya prayoridad ang pagbiyahe.

Kung totoo ang sinabi ni Aquino, mababawasan ang gastos ng bansa habang siya ang namumuno. Kung sa loob ng anim na taon ay mabibilang ang kanyang pagbiyahe, aba, malaki ang matitipid. Kung ang kanyang minister na lamang ang padadaluhin sa ibang bansa, maiiwasan na ang magarbong gastos sa pamasahe, hotel accommodation at sa pagkain. Makakatipid ang bansa at maidadagdag sa kaban. At kung madadagdagan ang ipon, maaaring maramdaman ang pagbabago ng buhay lalo ang mga nagdarahop.

Malaki ang nagagastos sa bawat biyahe ng presidente. Si President Aroyo na lamang ay sinasabing gumastos umano ng P2.7 billion sa mga biyaheng ginawa niya noong 2003-2007. Nakagawa na ng mahigit 50 pagbibiyahe sa ibang bansa si Arroyo. Kasalukuyang nasa Shanghai, China si Mrs. Arroyo at umano, bago bumaba sa kanyang puwesto sa June 30 ay may isang foreign trip pa siyang naka-schedule.

Nang magbiyahe sa US noong nakaraang taon si Mrs. Arroyo kasama ang kanyang mga kapanalig sa pulitika, nagkaroon ng kontrobersiya sapagkat gumastos sila nang malaki sa dalawang restaurant na kanilang kinainan. Gumastos sila ng $20,000 nang mag-dinner sa Le Cirque sa New York at $15,000 naman sa Bobby Vans Steakhouse.

Habang marami ang nagugutom o nalilipasan ng gutom, malaking pera naman ang natatapon dahil sa pagbibiyahe. At kung matutupad ni Aquino na hindi siya magbibiyahe, malaki ang masi-save habang siya ang nakaupo. Okey lang sanang bumiyahe ang presidente kung may napapakinabang sa bawat pakikipag-usap sa mga lider ng bansa, paano kung wala. Nagtatapon lang nang nagtatapon ng buwis ng taumbayan.

Show comments