Magkahiwalay na liability
ANG mga korporasyon ay gumagalaw lamang sa pamamagitan ng mga director, mga opisyal, at mga empleyado. Maaari bang idemanda nang hiwalay ang mga tao at ang korporasyon dahil sa illegal na gawain sa ilalim ng patakarang ito? Ito ang kaso ni Manny laban sa manufacturer ng damit (OTC) na kanyang pinagtratrabahuan.
Si Manny ay kinuha bilang probationary HRD manager noong Sept. 2, 1999. Naramdaman niya ang pagkawalang-hustisya at diskriminasyon sa trabaho sa OTC. Ang pinakamalala ay nangyari nang inappoint ni Mr. Sy, ang presidente ng OTC, si Ed sa posisyon ni Manny. Nalaman na lang ito ni Manny pagkatapos tanggapin ni Ed ang posisyon at matapos ipaalam ni Mr. Sy sa ibang mga empleyado.
Nag-file ng irrevocable resignation si Manny at nagreklamo sa labor arbiter (LA) sa kadahilanang illegal dismissal laban sa OTC, sa presidente nitong si Mr. Sy, sa Chairman na si Mr. Lao, at ang finance manager na si Medy. Ayon kay Manny, siya raw ay constructively dismissed. Ayon naman sa OTC at mga opisyal nito, kusang loob siyang bumitaw sa puwesto. Sinang-ayunan ng LA si Manny at nag-issue ng desisyon na pabor sa kanya. Ayon sa LA, napilitang bumitaw sa puwesto si Manny dahil sa naranasan niyang diskriminasyon sa trabaho na kasalanan ng OTC at ng mga opisyales nito. Inutusan ng LA ang OTC at ang kanyang mga opisyales na ibigay ang separation pay, back wages at isang linggo suweldo na illegal nitong tinanggal sa suweldo ni Manny, 13th month pay, attorney’s fees, at moral at exemplary damages.
Kinuwestiyon naman ito ng OTC at ng kanyang mga corporate officers sa pangangatwiran na nagkamali ang LA sa liability ng mga opisyales. Hindi dapat sila nasama sa liability ng kumpanya dahil walang matibay na ebidensya na ang nangyari kay Manny ay ginawa nila nang may malisya. Tama ba sila?
TAMA. Ang korporasyon, bilang isang judicial entity, ay maaari lamang gumalaw sa pamamagitan ng kanyang mga director, opisyales, at empleyado nguni’t ang mga obligasyong natamo dahil sa mga aksyon ng nasabing opisyales ay hindi nila personal na pananagutan kundi ng korporasyon. Mananagot lang sila kung sila’y umakto ng may malisya at masamang kalooban.
Sa kasong ito, walang ebidensiya ng malisya o masamang kalooban laban kina So, Lao at Medy upang sila ay turingan na obligado sa nangyari kay Manny. Ang OTC lang ang maaaring idemanda at ang obligadong sundin ang hatol ng LA (Penaflor vs. Outdoor Clothing Manufacturing Corporation et. al. G.R. 177114, April 13, 2010).
- Latest
- Trending