EDITORYAL - La Niña naman ang nakaamba

TAPOS na ang nagbabagang summer na pina­lubha ng El Niño. At ang babala naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), paghandaan naman ang nakaambang La Niña. Kung naging mailap sa loob ng anim na buwan ang ulan, ngayong Hunyo ay pawang pag-ulan naman ang tatamasahin. Kung maraming dam sa buong bansa ang kinapos ng tubig at naapektuhan ang mga pananim sa pag­sapit ng La Niña ay maaaring umapaw ang mga ito. At kapag nagpakawala ng tubig, maaari na namang lumubog sa baha ang maraming lugar.

Ang La Niña ay weather phenomenon kung saan matinding pagbuhos ng ulan ang magaganap. Kung ang El Niño ay pagkatuyo ang hatid, grabeng pagbaha naman dulot ng pag-ulan ang ihahatid ng La Niña. Sabi ng PAGASA, mararamdaman ang La Niña sa second half ng 2010.

Mas mapanganib ang malubog sa tubig. Walang kasinglakas ang tubig na maaaring wasakin ang lahat nang madadaanan. Napatunayan na ito noong September 26, 2009 kung saan hinagupit ng bagyong si “Ondoy” ang Metro Manila. Umabot ang baha hang­gang sa third floor ng mga bahay kaya parang mga daga na nag-akyatan sa bubong ang mga tao. Sa isang subdibisyon sa Marikina, maraming bahay ang nawasak dahil sa biglaang pagbaha. Maraming sasakyan ang natangay ng agos. Maraming residente ang na-trap at ilang oras ding nasa bubong ng ka­nilang mga bahay.

Nagkaroon na ng leksiyon ang mamamayan sa pananalasa ni “Ondoy” at kung mangyayari muli itong ngayong nakaamba ang pananalasa ng La Niña, siguro’y alam na ang kanilang mga gagawin. Lilikas na sila sa kanilang lugar kung nagbabanta na ang pagbaha. Hindi na nila hihintayin pang tangayin ng agos. Napatunayan na nilang walang kalaban-laban ang tao kapag ang kalikasan ang nag-alburuto.

May leksiyon na rin ang pamahalaan sa nangyari kaya naman nakahanda na sila sa pag-rescue. Nagsa­sanay na ang Coast Guard, Philippine Navy at ang Philippine National Police kung paano reres­ponde sa mga binaha.

Walang pinakamabuting panlaban sa panahon ng baha kundi ang paghahanda. Mas matinding pumin­sala ang baha kaya nararapat na mag-ingat. Mas ma­raming namatay at napinsala sa baha kaysa tagtuyot.

Show comments